NEGROS OCCIDENTAL-PATAY ang isang 85 anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng sariling pamangkin na may sakit sa pag-iisip sa Purok Bougainvillea, Barangay Antipolo, Pontevedra sa lalawigang ito.
Batay sa pahayag ni Lt. Darryl Kuhutan, deputy chief ng Pontevedra Municipal Police Station na inaawat umano ng biktima ang kanyang 36-anyos na pamangkin nang sunugin nito ang bahay ng kanyang kapatid.
Subalit, sa halip na mapigilan ang suspek ay mas lalo nagwala ito hanggang sa saksakin nito ang biktima ng bakal mula sa sirang payong.
Ayon kay Kuhutan, pinukpok pa umano ng suspek ng bato sa ulo ang biktima.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at leeg ang biktima at dinala sa Don Salvador Benedicto Memorial District Hospital sa La Carlota City, Negros Occidental kung saan idineklara itong dead on arrival.
Sinabi ni Kuhutan na nag-iisa ang suspek sa loob ng bahay ng kanyang kapatid nang sunugin ito pati na rin ang ilang tuyong dahon ng saging.
Agad nasakote ang suspek sa tulong ng mga kapitbahay ng biktima.
Sa kabila ng krimen, sinabi ni Kuhutan na hindi na itutuloy ng pamilya ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek. EVELYN GARCIA