LONGGANISANG CALUMPIT, MALINAMNAM NA TIMPLA NG PAGSISIKAP AT TAGUMPAY NG ISANG INA

DTI-LOGO-3

WALANG hindi nakaka­kilala sa Longganisang Calumpit bilang paboritong pasalubong kapag nadadayo sa ibang bayan o sa labas ng Bulacan. Lalong-lalo nang hindi maitatanggi ng marami nang nakatikim at nakakain nito ang hindi maipaliwanag na lasa, sarap at li­namnam ng Longganisang Calumpit. Tapos ka nang kumain, pero kapag dumighay ka, maamoy mo pa rin ang sarap nito.

Matagal nang sikat ang Longganisang Calumpit at hindi maikakaila ng marami ng mga gumagawa nito sa nasabing bayan. Pero sa ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, pormal nang nakapasok sa pambansang merkado ang produktong ito dahil sa pagiging rehistrado at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Longganisang Calumpit-1Nasa likod ng tagumpay na ito ang isa ring da­ting karaniwang nagtitinda ng longganisa sa palengke ng Calumpit, si Rosemarie Garcia. Kung tutuusin, mas maraming naunang nagtinda sa kanya ng longganisa na may katulad din na linamnam. Pero natatangi ang naging ambag ni Rose sa lalong pagtataas ng kalidad sa panibagong antas sa paggawa ng longganisa. Bilang kauna-unahang FDA-accredited na pagawaan at tindahan ng Longganisang Calumpit, ang Rose Garcia Longganisang Calumpit ay regular na mabibili sa mga malalaking supermarkets at malls sa Metro Manila at mga pangunahing lungsod sa bansa.

Kagaya rin si Garcia ng karaniwang nagtitinda sa palengke na ang tanging hangarin ay ­makapaghanapbuhay upang may maipantustos sa pamilya at mapag-aral ang mga anak. Ngunit para sa kanya, hindi niya namalayang tuloy-tuloy ang paglago ng kanyang simpleng hanapbuhay sa katayuan nito sa ngayon.

Bagama’t nakatapos sa pag-aaral sa kursong Turismo at panandaliang nakapagtrabaho sa isang five-star hotel, ito sana ang tinatanaw niyang maging simula ng kanyang karera. Ngunit dahil sa mga nakaatang na responsibilidad, hindi nagtuloy-tuloy ang kanyang pagsulong upang maabot ang pangarap sana na maging isang flight ­attendant. Nahinto siya sa pagtatrabaho sa matagal na panahon.

Hanggang isang araw, inalok siya na makapagtinda ng manok sa palengke ng Calumpit. Pagkukuwento ni Garcia, may nagpahiram sa kanya ng halagang P500 at nagtinda siya ng 10 pirasong manok. Hirap na hirap aniya siyang itinda ang 10 pirasong manok dahil hindi ito nauubos sa maghapong pagbabantay sa puwesto sa palengke. Sa kanyang pagkainip sa puwesto, nakikita niya sa ibang nagtitinda na mas mabili sa palengke ng Calumpit ang Longganisa. Doon naisip ni Garcia na subukang magtinda rin nito, kaya’t humango siya ng longganisa mula sa mga gumagawa nito.

Makikita sa larawan ang pakete ng tatlong uri ng Longganisa na likha ng Rose Garcia Longganisang Calumpit na Matamis, Maanghang at may bawang. Sa kalidad ng pakete, pagkakagawa at timpla ng Longganisa, simbulo ito ng tagumpay ng One Town, One Product Next Generation ng DTI.

Sa pasimula ng pagtitinda ng hinangong Longganisang Calumpit, unti-unti nang dumarami ang tumatangkilik nito, ngunit palagiang tinatanong ng mga ito sa kanya kung gawa at timpla ba niya ang mga ito. Doon aniya siya natauhan na bakit hindi niya subukang siya naman ang gumawa at mag­timpla ng sarili niyang tindang Longganisang Calumpit.

Longganisang Calumpit-2Noong taong 2010, nakahiram muli siya ng perang puhunan na halagang P1,000.00. Sinimulan niyang humango ng 10 kilong giniling at tinimpla niya ito. Nakakaisang taon pa lamang sa pagtitinda ng sariling timplang Longganisang Calumpit, isang mamimili niya ang naghikayat sa kanya na kumuha ng mga kaukulang permits sa Department of Trade and Industry (DTI). Ito  palang mamimiling ito ay isa ring mangangalakal ng longganisa na humahango sa Calumpit at siya namang itinitinda sa mga supermarkets sa Metro Manila.

Dahil hindi rehistrado ang longganisang gawa ni Garcia, hanggang palengke lamang ito puwedeng itinda, na umaasa sa tingi-­tinging bumibili, hindi ito maipapasok sa mga supermarket na bumibili nang bultuhan. Dito nagpursige at tinutukan ni Garcia ang pag-aasikaso sa mga kinakailangang papeles sa DTI. Una rito ang pagkakaroon ng business name noong 2014 at siyang unang ipinasok ng DTI bilang trainee sa Small and Medium Enterprises Roving Academy o SMERA.

Doon na nagsimulang yumabong ang kanyang hanapbuhay na Longganisang Calumpit. Nagkataon namang noong panahon ding iyon mas napalapit ang DTI sa Calumpit dahil sa pagbubukas ng Negosyo Center sa mismong palengke. Dito naging madali sa kanya na magproseso ng iba pang kailangang dokumento. Dahil sa patuloy na paglakas ng kanyang produksiyon bunsod ng dumara­ming suki sa palengke, ito naman ang nagbigay daan upang ang kanyang bakuran ay patayuan ng isang manufacturing-processing center noong 2015. Matatagpuan ito ngayon sa barangay Caniogan na nasa likod ng palengke.

Noon naming taong 2016, sa tulong at gabay ng DTI at ng Negosyo Center, matagumpay niyang natamo na magkaroon ng rehistro sa FDA, na kauna-unahang maglo-longganisa sa Calumpit na mayroon nito. Ayon kay DTI-Bulacan Provincial Director Zorina ‘Rhine’ Aldana, ang pagkakaroon ng FDA ng Rose Garcia Longganisang Calumpit ay nagbukas ng pinto upang makapasok ito sa pambansa at pandaigdigang merkado. Halimbawa na rito ang kanyang pagiging aktibong kalahok sa Sikat Pinoy National Trade Fair, Likha ng Central Luzon at iba pang marketing activities ng DTI.

Isa rin si Rose Garcia sa mga nakapagtapos ng Kapatid Mentor Me program ng DTI-Bulacan noong 2017, na nagpalakas pa ng kakayahan bilang isang negosyante. Para kay Rose Garcia, kung ano man ang narating ng Longganisang Vigan at Longganisang Lucban, malaki aniya ang laban ng Longganisang Calumpit ng mga Bulakenyo dahil sa timpla nitong at “Lasang hindi mo ipagpapalit!”. “Mayroon akong pangarap para sa Longganisang Calumpit na maging mas lalong stable ang branding nito kapag pumunta ka ng Bulacan, kasamang hahanapin ang Longganisang Calumpit para ring kung paano nakilala ang Longganisang Vigan at sa Lucban,” dagdag pa niya. Katunayan, bilang resulta ng kanyang pagsisikap na tunay ngang magkaroon ng pagkakakilanlan ang Longganisang Calumpit, natamo niya kamakailan na ang Certificate of Product Registration (CPR) mula sa FDA.

Hindi naman kataka-taka na nauubos kada linggo ang mga gawang longganisa ng Rose Garcia Longganisang Calumpit sa mga supermarkets sa Landmark, Trinoma, Unimart at South Supermarket. Sa mga tagumpay na ito, ang dating mentee ng Kapatid Mentor Me ay isa ngayon sa mga tinitingalang negosyanteng nagsisilbing inspirasyon sa iba.

Sa pagdiriwang naman ng ‘Pandaigdigang Buwang ng Kababaihan’, pinagkalooban din siya ngayong taon ng ‘Gawad Medalyang Ginto’, na isang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa mga babaeng may natatanging ambag sa bawat sektor.

Ang narating ni Rosemarie Garcia ay higit pa sa konkretong dalawang palapag na bahay, modernong sasakyan at pagpapa-aral sa dalawang anak na nasa kolehiyo at grade 11. Higit pa rin ito sa kanyang kakayahan na makapagpasahod ng minimum wage sa walong tauhan sa gawaan ng kanyang longganisa at tulong kabuhayan sa tatlong kababayan sa Calumpit, kundi ang natamo niya’y salamin na ang Bulakenya, hindi mapipigilan sa pag angat.