WALANG katiyakang ligtas sa leptospirosis bacteria ang mga taong lumusong sa baha kahit wala silang sugat.
Ito ang ipinaalala kahapon ni Dr. Ferdinand de Guzman, tagapagsalita ng San Lazaro Hospital sa publiko, bunsod na rin ng naranasang malawakang pag-ulan at mga pagbaha sa bansa na dala ng magkasunod na pananalasa ng bagyong Ineng at Jenny.
Ayon kay de Guzman, kahit walang sugat ay maaari pa ring pasukin ng naturang bacteria ang balat sa sandaling lumusong sa kontaminadong tubig-baha.
Pinakamabisa pa rin aniyang paraan nng pag-iwas sa naturang karamdaman ay ang pag-iwas sa paglusong sa tubig-baha.
“Hindi kailangang sugat iyan, just cracks in the skin, dry skin, puwedeng pumasok ang maruming tubig na infected. So wash po, hygiene kaagad,” ayon kay De Guzman.
Gayunman, kung hindi maiiwasang lumusong sa tubig-baha, maaari naman aniyang magsuot ng mga protective gear gaya ng bota.
Sakali namang lumusong sa baha nang walang protective gear, dapat na tiyaking maghuhugas mabuti ng paa, gamit ang sabon at malinis na tubig.
Dapat ring uminom kaagad ng doxycycline ang mga matatanda, may sugat man o wala, habang maaari namang uminom ng amoxicillin ang mga bata, sa loob ng isang linggo.
Pinayuhan din ni De Guzman ang mga taong lumusong sa baha na makikitaan ng sintomas ng sakit na kaagad na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.
Aniya, bukod sa dengue, na dumarami rin ang kaso kapag tag-ulan, ay tinututukan nila sa San Lazaro Hospital ang mga kaso ng leptospirosis.
Sa ngayon ay nagtayo na sila ng tent sa isang bahagi ng pagamutan para magsilbing ward at mapagdalhan ng mga pasyente ng mga naturang sakit, sakaling dumagsa ang mga ito.
Ang leptospirosis ay impeksiyong sanhi ng bakteryang nagmumula sa ihi ng hayop gaya ng daga, na nahahalo sa tubig-baha, at maaaring mag-dulot ng kamatayan kung mapapabayaan. ANA ROSARIO HERNANDEZ