KUMANA si Dennis Schroder ng 21 points at 10 assists upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 114-103 panalo laban sa host Orlando Magic noong Lunes ng gabi.
Umiskor sina Anthony Davis at Montrezl Harrell ng tig-18 points para sa Lakers (36-25), na pinutol ang three-game losing streak at ipinalasap sa Magic (18-43) ang kanilang ika-5 sunod na pagkabigo.
Abante sa 95-91, may 6:47 ang nalalabi, umiskor si Schroder ng siyam na sunod na puntos at na-outscore ng Lakers, tangan ang fifth-seed sa Western Conference, ang Magic, 12-5, sa sumunod na mahigit apat na minuto upang makalayo.
Nagtala si Chuma Okeke ng 18 points at 5 rebounds upang pangunahan ang Magic, habang tumipa si Gary Harris ng17 points.
Ito na ang pinakamatikas na performance ni Davis magmula nang magbalik mula sa 30-game absence dahil sa right calf at heel issues, sa pagkamada ng 8 of 15 mula sa field (1-for-4 mula sa 3-point range) at tumapos na may 8 rebounds at 3 assists. Naglaro si Davis sa loob ng 31 minuto at 22 segundo sa kanyang ikatlong laro magmula nang magbalik-aksiyon.
Bumuslo ang Lakers ng 54 percent mula sa field at naisalpak ang 11 sa 31 triples habang na-outscore ang Magic, 56-40, sa paint.
T’WOLVES 105,
JAZZ 104
Umiskor si D’Angelo Russell ng game-winning layup sa mga huling segundo at tumapos na may 27 points mula sa bench upang pagbidahan ang Minnesota Timberwolves sa 105-104 panalo kontra Utah Jazz.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Minnesota laban sa Jazz (44-17) sa loob ng tatlong araw. Ang magandang balita lamang para sa Utah sa tatlong araw na iyon ay sila ang unang koponan na nakakuha ng playoff matapos ang aksiyon noong Linggo.
Hindi na naman naglaro si All-Star guard Donovan Mitchell dahil sa sprained ankle.
Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 21 points at 11 rebounds, habang gumawa sina Anthony Edwards at Juancho Hernangomez ng tig-14 points. Nag-ambag si Naz Reid ng 13 points para sa T-Wolves (18-44) na winalis ang Jazz, 3-0, sa kanilang season series.
Nanguna si Mike Conley para sa Jazz na may 26 points at nakaposisyon na maging bayani ng laro makaraang maisalpak ang go-ahead 3-pointer, subalit nag-iba ang resulta ng laro. Sinamantala ni Russell ang blown defensive assignment ng Jazz, at binigyan ang T-Wolves ng isang puntos na kalamangan sa pamamagitan ng isang wide-open layup, may 4.2 segundo na lamang ang nalalabi.
Sa iba pang laro, umiskor si Chris Paul ng pitong puntos sa loob ng 70 segundo sa huling bahagi ng fourth quarter upang selyuhan ang comeback win para sa bisitang Phoenix Suns kontra New York Knicks, 118-110.
Nadominahan ng Sacramento Kings ang Dallas Mavericks, 113-106; ginapi ng Denver Nuggets ang Memphis Grizzlies, 120-96; pinataob ng Toronto Raptors ang Cleveland Cavaliers, 112-96; namayani ang San Antonio Spurs laban Washington Wizards, 146-143, sa overtime; pinalamig ng Chicago Bulls ang Miami Heat, 110-102; pinatiklop ng New Orleans Pelicans ang Los Angeles Clippers, 120-103; at tinambakan ng Philadelphia 76ers ang Oklahoma City Thunder, 121-90.
Comments are closed.