IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang iba’t ibang proyekto at programa sa Calabarzon na binuhusan ng P10 bilyon ay magreresulta sa paglakas ng ekonomiya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang nabanggit na pondo ay para sa Philippine Rural Development Plan ng Region 4-A para sa taong 2023 hanggang 2024.
“Ngunit higit pa po sa mga tulong at serbisyong ito, kami po ay patuloy na kumikilos upang palakasin ang ekonomiya ng Calabarzon,” pahayag ni Pangulong Marcos habang namamahagi ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda at residente sa Batangas.
“Mula noong 2023 hanggang 2024, nakapagbigay na po tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Philippine Rural Development Plan dito sa Region 4-A,” giit pa ng Pangulo.
Inilatag din ng Punong Ehekutibo ang ongoing projects sa rehiyon gaya ng Taal Lake Circumferential Road at Lobo Malabrigo – San Juan Laiya Road sa Batangas, gayundin ang Quipot Irrigation Project at ang Macalelon Irrigation Project sa Quezon.
“Kabilang sa mga ginagawa natin dito sa inyong rehiyon ay ang Taal Lake Circumferential Road at ang Lobo Malabrigo–San Juan Laiya Road. Nariyan din po pala ang Quipot Irrigation Project at Macalelon Irrigation Project sa kalapit [na] lalawigan ng Quezon na malapit na rin pong matapos,” dagdag pa ng Pangulo.
Pinuri rin ng Pangulong Marcos ang katatagan ng mga Batangueños laban sa mga hamon na kinakarap ng mga ito dulot ng El Nino phenomenon kasabay ng pagtiyak na tutulungan sila ng pamahalaan.
“Naniniwala ako na likas na matatapang ang mga Batangueño — kasing tapang ng kapeng barako! Matapang niyong sinusuong ang mga pagsubok para sa kapakanan ng inyong mga pamilya,” dagdag ng Chief Executive.
EVELYN QUIROZ