(Malaki ang magiging epekto sa ekonomiya –Tolentino) LOCKDOWN SA METRO PINALAGAN

FRANCIS TOLENTINO

TINUTULAN ni Senador Francis Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government, ang panukalang lockdown sa buong Metro Manila dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Tolentino, dapat pag-aralang mabuti ito ng pamahalaan dahil hindi pa naman kailangan sa ngayon ang mungkahing total lockdown sa Kalakhang Maynila.

Aniya, hindi naman katulad ng sa Wuhan, China at Italy ang nangyayaring pagkalat ng kinatatakutang CO­VID-19 sa bansa.

Nababahala si Tolentino na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya kapag ipinatupad ang total lock down sa Metro Manila.

Sa halip, mas pabor ang senador na magkaroon ng localized lockdown sa mga lugar at barangay na apektado ng kinatatakutang sakit upang mas madaling ma-trace ang mga possibleng carrier ng virus.

Gayunpaman, ni­linaw niya na maaari lamang ipatupad ang total lockdown sa Metro Manila kapag dumating na talaga sa extreme health emergency.

Nauna rito ay inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang isang linggong pagsasara o lockdown sa buong Metro Manila upang makontrol at hindi na kumalat pa ang CO­VID-19.

Ayon kay Salceda, dapat ikonsidera ang lockdown sa NCR sanhi ng COVID-19 dahil ganito rin ang ginawa ng mga bansang mauunlad tulad ng South Korea at Japan.

Paliwanag ni Salceda, ang lockdown na ipatutupad ay ang pagpapasasara sa NLEX at SLEX, gayundin sa mga railway at airport para sa domestic flights upang mapigilang kumalat ang virus sa iba pang bahagi ng bansa.

Bukod dito, pinakakansela rin ng kongresista ang klase sa mga paaralan at ang pasok sa mga trabaho.

Giit ni Salceda, mas makabubuti ang one-week lockdown sa NCR dahil mas malaki ang mawawala sa kita ng bansa kapag hindi ito ginawa.

Aniya, kung isasagawa ang isang linggong lockdown, .8% lamang o P100 billion sa GDP ang mawawala kumpara sa 1.5% ng GDP o P218.5 billion kung hindi ito ipatutupad. VICKY CERVALES

Comments are closed.