MALASAKIT CENTER, BINUKSAN SA OFW HOSPITAL

PORMAL ng binuksan upang magserbisyo sa publiko ang ika-153rd na Malasakit Center na matatagpuan sa Overseas Filipino Workers o OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.

Personal itong dinaluhan nina Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Singh-Vergeire, Senador Christopher Bong Go at Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople.

Ang bagong Malasakit Center ay magbibigay kaginhawaan sa mga OFW ng isang one-stop-shop na pasilidad na tutugon sa kanilang mga pangangailangan pagdating sa serbisyo ng PhilHealth, DSWD, PCSO, at DOH.

Ang mga migranteng manggagawa ay tinatanggap at hinihikayat na gumamit ng mga nasabing serbisyo upang makatulong sa kanilang pangangailangang medikal higit lalo sa mga hospital bills.

“We consider this a critical milestone, as it not only means another opportunity to improve access, but equally worth celebrating is the fact that this is the first center that will cater specifically to our countrymen who we consider our modern day heroes–our Overseas Filipino Workers (OFWs)–as this center is strategically located in our newly-created OFW Hospital,” sabi ni Vergeire.

Sa pamamagitan ng bagong lunsad na Malasakit Center na ito, ang komprehensibo at kabuuang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng migranteng manggagawa kasama ang Overseas Workers Welfare Administration contributors, aktibo man o hindi aktibo at ang kanilang legal dependents ay ipagkakaloob.

Ito rin ay magsisilbing pangunahing referral na ospital para sa mga repatriated OFW na nangangailangan ng serbisyong medikal at tulong.

“Sa ating patuloy na pagpapatayo ng mas marami pang Malasakit Center, makaasa po kayong lagi’t laging naririto ang DOH upang magbigay ng suporta. Bukod pa dito, makakaasa rin kayo na patuloy ang paghahatid natin ng serbisyong pangkalusugan at kalinga habang binibigyang diin ang alagang may dignidad, respeto, at higit sa lahat-malasakit. Nawa’y magpatuloy tayo sa ating nagkakaisang kilos upang maisakatuparan ang lahat ng pangako ng Universal Health Care. Let us unite under the banner of UHC, to realize our goal of a Philippines where quality healthcare is affordable to all.” dagdag pa ng Health OIC. PAUL ROLDAN