MALINIS NA MARKA ITATAYA NG LADY BULLDOGS VS LADY SPIKERS

Standings             W    L

NU                        7     0

UST                       5     2

DLSU     5     2

AdU                      4     3

Ateneo  3     4

UP                         3     4

FEU                       1     6

UE                         0     7

 

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – AdU vs UST

12:30 p.m. – UE vs UP

4 p.m. – FEU vs Ateneo

6:30 p.m. – NU vs DLSU

GALING sa impresibong first round sweep, itataya ng National University ang walang dungis na kartada kontra La Salle sa pagpapatuloy ng UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Pinapaboran ang Lady Bulldogs na maitarak ang kanilang ika-8 sunod na panalo sa 6:30 p.m. duel sa Lady Spikers.

Makakaharap naman ng University of Santo Tomas, na papasok sa second round na katabla ang La Salle sa ikalawang puwesto sa 5-2, ang Adamson sa 10 a.m. curtain raiser.

Sa iba pang laro, makakaharap ng titleholder Ateneo ang Far Eastern University sa alas-4 ng hapon kasunod ng salpukan ng University of the Philippines at ng wala pang panalong University of the East sa alas-12:30 ng tanghali.

Ang Lady Falcons ay nasa ika-4 na puwesto sa 4-3 kartada, isang buong laro ang angat sa joint fifth placers Blue Eagles at Fighting Maroons, na may 3-4 record.

Nakatuon ang pansin ng lahat sa NU kung maitatala nito ang  double-round elimination round sweep na huling nagawa ng Ateneo noong 2015 tungo sa pagkumpleto ng perfect 16-0 season.

Nararanasan ang kanilang pinakamahabang winning streak magmula nang maiposte ang 10 sunod na panalo sa 2013-14 season, ang Lady Bulldogs, na ang core ay binuo mula sa highly-successful high school program, ay may nakasalansan na roster sa bawat posisyon.

Ipinagmamalaki ng NU ang rock-solid offensive trio nina Mhicaela Belen, Alyssa Solomon at Cess Robles, na pawang nasa top 10 scorers sa pagtatapos ng first round, gayundin ang steady middles sa katauhan nina Ivy Lacsina at Sheena Toring.

Nangunguna si first-year player Camilla Lamina sa Best Setter race, habang bumabandera si libero Jen Nierva sa receiving department.

Umaasa ang Lady Spikers na magamit ang week-long break para maiganti ang kanilang 22-25, 15-25, 19-25 pagkatalo sa Lady Bulldogs noong nakaraang Mayo 10.