MASAGANA 99 NI MARCOS TINULDUKAN ANG RICE IMPORTATION

MASAGANA 99

(Huling bahagi sa dalawang serye)

MATAGAL nang tapos ang panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

May  34 taon na ang nakalilipas  mula nang palitan siya ng maybahay ng pinaslang na si dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.

Kung babalikan ang kasaysayan, naunang ‘namayapa’ ang Masagana 99 kaysa kina Marcos at Aquino.

Subalit hanggang ngayon ay mistulang mainit na pandesal ang Masagana 99 dahil muling nagbabaga itong paksa sa kasalukuyang administrasyon.

Galit kay Marcos, inis din sa Masagana 99

“[T]HOSE who have not forgiven the Marcos martial law administration as well as those critical of the undue emphasis on rice at the expense of other commodities, this [Masagana 99 project of President Marcos] is wasteful and a misdirection of scarce resources,” banggit ni Dr. Emil Javier sa kanyang kolum sa Manila Bulletin noong Nobyembre 2016.

Hindi nakapagtataka kung ang mga aktibista at komunistang kabilang sa mga legal na prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) o mismong mga kadre ng huli o dating pinuno nito na si Jose Maria Sison ang sagad-saring galit kay Marcos at sa Masagana 99.

Simula nang itatag ang Kabataang Makabayan (KM) noong 1964 hanggang buuin  ang CPP noong 1968 ay masama na si Marcos para kay Sison at sa mga kadre ng CPP at mga aktibista nito.

Bawat kilos ni Marcos ay tutol sila.

Kaya hindi nakagugulat kung masama ang pananaw at pagtatasa nila sa Masagana 99.

Sa hanay ng administrasyong Duterte, si Finance Secretary Carlos Dominguez III ang kilalang tahasang tutol sa pagpapatupad ng pang-agrikulturang programa ng administrasyong Duterte na halaw sa Masagana 99 (mataas ang produksiyon ng bigas, walang importasyon, may eksportasyon ng bigas at malinaw ang interbensiyon ng pamahalaan).

Pumutok sa publiko ang galit ni Dominguez sa proyektong Masagana 99 ni Marcos nitong Mayo 20.

Habang nagaganap ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa iba’t ibang ideya, proyekto at solusyon upang maresolbahan ang masamang epekto ng coronavirus disease  2019 (COVID – 19), iminungkahi ni Senadora Imee Marcos kay Dominguez na buhayin ang Masagana 99 upang tulungan ang mga magsasaka ngayong nahaharap ang Filipinas sa masamang epekto ng pandemyang virus.

Agad tinutulan ni Dominguez ang ideya ni Marcos dahil una, hindi umano totoong nag-eksport ng tone-toneladang bigas, ikalawa ay hindi tumaas ang kita ng mga magsasaka, ikatlo ay pataba na nakasira ng pananim at ikaapat,  800 rural banks ang nalugi dahil sa pagpapautang sa mga magsasaka habang ipinatutupad ang Masagana 99 noong 1973 hanggang 1978.

Pinatumba at pinatunayang mali ang una hanggang ikatlong argumento ni Domiguez ng mga taong naglunsad ng sarili o independent nilang pag-aaral tulad ng mga eksperto na sina Dr. Javier, Fernando Malveda ng Leads Agricultural Prodcuts Corporation, at Rosendo So ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) at Abono party-list.

Iyong tungkol sa utang ng mga magsasaka sa mga bangko ay ganito ang nangyari, ayon kay Javier: “Sadly, Masagana 99 proved to be short-lived and unsustainable mainly due to the costly subsidies and failure of many farmers-borrowers to repay the loans.”

Ani Javier: “At the peak of the program, in May 1974, Masagana 99 enrolled 531,000 borrowers (36 percent of 1.13 million small rice farmers). Repayment was at a respectable rate of 93 percent” batay sa nakatabing datos ng Technical Board for Agricultural Credit.

Patuloy niya: “By crop year 1980, after 14 cycles, the farmers-borrowers dwindled down to 54,000 as many run into arrears and were declared ineligible. Repayment went down to 46 percent. And as a consequence, many rural banks through which the loans were coursed folded up. By this period, Masagana 99 ceased to be of consequence as only 3.7 percent of the small rice farmers were able to borrow.”

Sa kabila nito, hindi kailanman hinusgahan ni Javier na mali at kontra-magsasaka ang Masagana 99.

Ang punto niya ay kailangang iwasto ang mga naging pagkukulang ng proyekto ni Marcos, partikular sa usapin ng pautang sa mga magsasaka at paano ito mababayaran kapag muling maglunsad ng pang-agrikulturang proyekto si Pangulong Duterte na halaw sa Masagana 99.

Tuluyang ‘ipinapatay’ ni Aquino ang Masagana 99

SA pagdinig sa Senado nitong Mayo 20, hindi lang iginiit ni Secretary Domiguez ang konklusyon niyang palpak at lagpak ang Masagana 99, kundi ipinamukha at idiniin ng kalihim na siya mismo ang tuluyang tumapos sa kaligayahan ng mga magsasaka sa Masagana 99.

Inamin ni Domiguez na bilang kalihim ng DA noon ng pangulo ng bansa na si Corazon Aquino, tuluyang ‘ipinapatay’ ang Masagana 99.

Inayos umano niya ang pagkakautang ng mga magsasaka sa 800 panlalawigang bangko.

Ang hindi lang inamin ni Dominguez kay Senadora Marcos at iba pang mga senador na nakikinig sa kanya ay ipinasa ni Aquino ang mga natitirang kawani ng Masagana 99 sa mga alkalde.

Naganap ito nang ipatupad ni Aquino ang Local Government Code of 1991.

Ayon kay Malveda, naging alalay o drayber ng mga alkalde ang mga kawani ng Masagana 99.

Ibig sabihin, hindi man lang binigyan ng maayos na trabaho nina Aquino at Dominguez upang patunayang higit na malaki ang kanilang malasakit sa mga ordinaryong tao kaysa kay Marcos.

Pautang sa magsasaka mula kay Cory Aquino hanggang kay Duterte

Noong 1987, ipinasa ng Kongreso ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) upang bigyan ng legal na batayan at pundasyon ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang CARP ay sentrong programa ng administrasyong Cory Aquino.

Sa pamamagitan ng CARP, ipinamahagi sa mga magsasaka ang substansiyal na bilang ng mga lupaing pangsakahan sa maraming panig ng bansa.

Ngunit, hindi isinama rito ang Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Cory.

Sa udyok ng pamilya Cojuangco (hindi kasama ang pamilya ni Eduardo Cojuangco dahil bahagi ng mga may-ari ang huli ng nasabing hacienda), hindi pumayag si Aquino na ipinasa  ang 6,453 ektaryang Hacienda Luista sa Tarlac sa mga manggagawang bukid ng hacienda.

Layunin ng CARP na ipamahagi ang mga lupaing napakatagal nang sinasaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Tiniyak ito ni Aquino, sapagkat alam niyang ang kawalan ng sariling lupa ang isa sa mga naging dahilan kung bakit maraming sumaping magsasaka at manggagawang bukid sa New People’s Army (NPA) simula nang itatag ito noong Marso 29,1969 sa Tarlac.

Ngunit hindi libre ang lupang ipinamahagi ng administrasyong Aquino sa mga magsasaka.

May bayad ito, dahilan upang pautangin ng Land Bank of the Philippines (LBP) ang mga magsasaka.

Nakarating kay Senador Ralph Recto na hanggang ngayong  2020 ay hindi pa nababayarang lahat ng mga magsasaka ang kanilang utang sa LBP.

Kaya iyong binabanggit ni Dominguez na hindi pa nabayaran ng mga magsasaka ang kanilang inutang sa 800 rural banks para makasama ang kani-kanilang sasakahing ekta-ektaryang lupain hanggang napalitan ni Aquino si Marcos sa Malakanyang noong 1986 ay hindi lamang sakit ng ulo ng administrasyong Marcos ang pautang sa mga magsasaka, kundi ng lahat ng administrasyon hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong  Duterte.

Comments are closed.