Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – SSC-R vs JRU
MAGSASALPUKAN ang San Sebastian at Jose Rizal University sa NCAA women’s volleyball step-ladder semifinals ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Ang magwawagi sa 2 p.m. match ay makakaharap ng titleholder Arellano University para sa isang puwesto sa best-of-three Finals sa isa pang win-or-go-home tussle sa Linggo.
Dumiretso na ang College of Saint Benilde sa Finals makaraang walisin ang lahat ng siyam na elimination round matches nito.
Ang Lady Stags, pumangatlo na may 6-3 record, ay nagbabalik sa Final Four sa unang pagkakataon magmula nang matalo ang Grethcel Soltones-led squad sa Lady Chiefs sa 2017 Finals.
Makaraang makamit ang breakthrough noong 2018 sa pangunguna ni Shola Alvarez, hindi nagtagal ang paghihintay ng Lady Bombers para makabalik sa Final Four.
Sa pangunguna ni graduating open spiker Dolly Verzosa, nakopo ng JRU ang nalalabing semifinals berth nang pataubin ang Lyceum of the Philippines University, 25-11, 16-25, 17-25, 25-21, 17-15, noong nakaraang Martes.
Lahat ng players ay nasa kanilang kauna-unahang Final Four stint, umaasa si San Sebastian coach Roger Gorayeb na magagamit ng kanyang tropa ang kanilang inensayo sa mga nakalipas na araw sa mas mataas ang nakataya.
Ang pangunahing alalahanin niya para sa Lady Stags ay kung paano magde-deliver ang isang “promising but untested core” na pinamumunuan nina Reyann Cañete at Kat Santos kapag may pressure.
“Nasa kanila iyan. Basta ako ite-train ko sila nang mahigpit. ‘Yung ensayo na possible na mangyayari. Iyon talaga ang pagsisikapan ko dahil kung ‘yung confidence level maitaas nila, mawawala lahat. Magiging mas mature sila, hindi sila matatakot maski magdikitan. Kung ano ‘yung inumpisahan nila, ‘yung consistency nila sa laro. Iyon ang kailangan ko sa kanila,” sabi ni Gorayeb.
“Ang sabi ko nga, huwag kayong makinig sa labas, maraming papuri. Hindi kayo gagaling sa maraming papuri. Hindi kayo gagaling sa papuri. Kailangang magkamali kayo. Kung nagkamali kayo, malalaman ninyo kung ano ang kulang sa inyo. Kung saan at kung ano ang dapat ninyong bawiin,” dagdag pa niya.
Umaasa naman ang JRU na malayo pa ang kanilang mararating makaraang tapusin agad ang kanilang Final Four stint ng Arellano noong 2018, noong si Verzosa, nagwagi ng 2nd Best Outside Spiker award, ay isang rookie pa lamang.
Ang Lady Stags ay nagwagi sa Lady Bombers, 26-24, 25-19, 32-30, 25-5, 15-11, sa kanilang elimination round meeting noong nakaraang June 22.
“Malakas ang San Sebastian and we respect that. Kailangan naming pagbutihin ‘yung defense and ‘yung consistency. Kapag nag-error, go na ulit, ‘yung hindi na masyadong magdu-dwell sa error,” wika ni JRU mentor Mia Tioseco.