Kaisa ng kompanya at ng buong mundo ang Meralco women technician scholars mula sa Don Bosco College-Canlubang sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan at sa pagsusulong ng gender equity.
SA MAHABANG panahon ng pagpapamalas nila ng angking galing at talento, nabago ng mga kababaihan ang pagtingin sa kanila ng lipunan at nagbigay daan ito sa mas malawak na pagkilala at pagsusulong ng pantay na pagtingin sa mga kasarian lalo na sa mga industriyang dati ay pinaniniwalaang para lamang sa mga lalaki.
Isa ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga kumpanya sa Pilipinas na aktibong nagsusulong ng pagkakapantay-pantay hindi lamang sa loob ng organisasyon kundi pati na rin sa pangkabuuang lipunan.
Kaisa ang Meralco sa pandaigdigang kampanyang #EmbraceEquity para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan dahil naaayon ito sa pagsusulong ng kumpanya sa gender diversity at inclusion sa organisasyon.
Layunin ng Meralco sa ilalim ng sarili nitong programang #Mbrace na palawakin pa sa 40% ang representasyon ng kababaihan sa hanay ng mga manggagawa nito pagdating ng taong 2030. Sa kasalukuyan, nasa 22% ng mga empleyado ng Meralco ang babae—doble sa 11% na pandaigdigang average sa sektor ng enerhiya.
Ang programang #Mbrace ay sumusuporta sa Sustainable Development Goals (SDG) 5 ng United Nations ukol sa Gender Equality, at sa UN SDG-10 tungkol sa Reduced Inequalities.
Mga baong babaeng linecrew
Bilang patunay sa pagpupursige ng Meralco na magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga kababaihan, muling binuksan ng kumpanya noong nakaraang taon ang linecrew training program nito para sa mga babaeng nais pumasok sa industriya.
Matatandaang taong 2013 nang sinimulan ng Meralco ang pagtanggap sa mga kababaihan para magsanay at magtrabaho bilang linecrew ng kumpanya bilang bahagi ng adbokasiya nito na isulong ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.
Sa ilalim ng Meralco Linecrew Training Program (MLTP), hinahasa ang mga nagsasanay sa pag-akyat ng poste, pag-handle ng mga high-voltage facility at iba pang aspetong mahalaga sa trabaho ng isang linecrew.
Isa sa mga bagong nakatapos ng MLTP at nakatakdang pumasok sa Meralco bilang babeng linecrew si Zuzette Castro, dating overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai na piniling bumalik sa Pilipinas noong kasagsagan ng pandemya para makasama ang kaniyang anak.
Ayon kay Castro, naging emosyonal ang pagsabak niya sa MLTP na itinuturing niyang nakapagpabago ng kaniyang buhay. Hindi umano niya akalain na kaya niya pala ang trabaho ng mga linecrew at na makakapagpamalas ng galing tulad ng mga lalaking kasama sa programa.
Aniya, nabigyan siya ng pagkakataon na ipamalas ang kaniyang mga natutunan nang makabilang siya sa hanay ng mga linecrew na naatasang magbalik ng serbisyo ng kuryente sa probinsya ng Rizal matapos ang hagupit ng Bagyong Paeng noong Nobyembre 2022.
Ngayong naghahanda na siya sa pagpasok bilang linecrew sa Meralco kasama ang 13 iba pang kababaihan, hangarin ni Castro na marami pang kababaihan ang sumunod sa kaniyang yapak.
Sasama si Castro sa lupon ng walong babaeng kasalukuyang nagtatrabaho bilang linecrew ng Meralco tulad ni Jelly Jean Pugao na 21 anyos lamang nang pumasok sa kumpanya.
Isa si Pugao sa mga unang babaeng linecrew ng Meralco na nagsanay sa ilalim ng MLTP noong 2013. Bagama’t batid niya na hindi pangkaraniwang trabaho para sa isang babae ang pagiging linecrew, ipinagmamalaki ni Pugao ang lakas ng loob at husay na ipinamalas niya sa industriya sa loob ng halos isang dekada.
Katulad ni Castro, hangarin ni Pugao na mas marami pang babae ang magpakita ng kanilang talento at magbahagi ng kanilang galing sa iba’t-ibang larangan. Aniya, dapat ipagmalaki ang pagiging babae at huwag isiping balakid ito para mapaghusay pa ang sarili.
Scholarship para sa mga babaeng electrical engineer
Dala ang isang makabuluhang temang “Changing lives, one woman at a time”, inilunsad ng Meralco ang scholarship program na MPowHER nitong 2022 para sa mga kababaihang nais maging propesyonal na electrical engineer.
Katulad ng MLTP, isa ang MPowHER sa mga programang sumusuporta sa adhikain ng Meralco na palawakin ang representasyon ng kababaihan sa industriya ng enerhiya.
Sa tulong ng One Meralco Foundation (OMF), nakapagbigay ang kumpanya ng scholarship sa 18 babaeng estudyante mula sa Nueva Ecija University of Science and Technology, Polytechnic University of the Philippines, at University of the Philippines-Diliman at Los Banos.
Ang mga piling estudyante ng electrical engineering ay makakatanggap ng tulong pinansyal
para sa pagkain, transportasyon, internet, libro, pati na rin para sa kanilang rebyu at board exam sa huling taon ng kanilang pag-aaral. Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga iskolar na sumalang bilang On-the-Job Trainee (OJT) sa Meralco at makapagtrabaho sa kumpanya kinalaunan.
Ayon kay Meralco Chief CSR Officer at OMF President Jeffrey O. Tarayao, mahalaga ang edukasyon para lalo pang mapaghusay ng mga kababaihan ang kanilang mga talento at kakayanan na maibabahagi rin nila sa iba.
Meralco kabilang sa 2023 Bloomberg Gender Equality Index
Dahil sa mga programa nitong nagsusulong sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, isa ang Meralco sa mga kumpanyang kinilala kamakailan bilang bahagi ng 2023 Bloomberg Gender Equality Index (GEI). Ito ay isang index na sumusukat sa mga programa ng mga kumpanyang publicly-listed para isulong ang pantay na karapatan batay sa kasarian.
Mayroong limang batayan ang GEI na tumutukoy sa pamumuno at talent pipeline, pantay na pagpapasahod, kulturang inclusive, mga polisiya laban sa pang-aabusong sekswal at external brand.
Bukod sa GEI, ang Meralco rin ang kaisa-isahang power distributor sa Pilipinas na kabilang sa environmental, social, and governance (ESG) assessment na nakatuon sa pandaigdigang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.
Ayon kay Meralco President and Chief Executive Officer, Atty. Ray C. Espinosa, katuwang ng lipunan ang Meralco sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga kababaihan para sa mas maliwanag na kinabukasan.