IMINUNGKAHI ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na gamitin bilang construction materials ang mga puno ng niyog na pinadapa ng hagupit ng Super Bagyong Odette at ipamahagi sa mga apektadong residente na nawalan ng tahanan matapos ang nasabing delubyo.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag kasunod ng pagbisita niya sa isla ng Siargao na bahagi ng Surigao del Norte nitong Lunes. Ang nabanggit na lalawigan ay kabilang sa mga lugar na lubhang winasak at sinalanta ng nasabing mapaminsalang bagyo noong nakaraang linggo.
Ayon kay Tolentino, maaaring magamit bilang alternatibong materyales na panggawa ng bahay ang libo-libong puno ng niyog na natumba noong kasagsagan ng hagupit ni Odette at ipamahagi sa mga residenteng nawalan ng bahay sa Visayas at Mindanao dahil sa tindi ng bagsik ng nabanggit na unos.
“Sayang naman kung ‘di gagamitin, nalinis mo na ang kapiligiran nakagawa pa ng construction materials. I urge NHA to coordinate with TESDA as am sure based on my past experience with calamities they still have that technology,” ani Tolentino, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.
Dagdag pa ng senador, pinayuhan na niya si National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr. na makipag- ugnayan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa teknolohiya kung paano gagawing coco lumber ang mga natumbang puno ng niyog at ipamahagi bilang libreng materyales para sa mga sinalanta ni Odette.
Nangako naman si Escalada na agad tutugunan ang suhestiyon ni Tolentino. Ayon sa housing official, magbibigay rin ang NHA ng cash assistance na pambili ng roofing materials sa mga pamilyang sinalanta ni Odette, hindi lamang sa Surigao del Norte at del Sur, kundi maging sa iba pang lugar kagaya ng Bohol, Cebu, Leyte, Southern Leyte Negros provinces, Agusan provinces at Palawan.
Sa kanyang pagbisita sa Siargao nitong Lunes, pinulong ni Tolentino ang pinuno ng iba’t ibang lokalidad sa nasabing isla at tumulong din sa pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente. VICKY CERVALES