MGA WAGI SA METRO MANILA PROKLAMADO NA

comelec

IPRINOKLAMA na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang ilan sa mga nanalong kandidato sa mga lokal na pamahalaan sa southern part Metro Manila.

Sa Makati City, si dating Makati City Mayor Kid Peña na na­nalo bilang kongresista ng unang distrito ng lungsod ay naiproklama ng Comelec dakong alas-4:32 ng madaling araw kahapon.

Umani si Peña ng 71,035 na boto laban sa kanyang katunggali na si dating Vice President Jejomar Binay Sr., na nagtamo lamang ng botong 65,229.

Nanatili naman bilang alkalde ng lungsod si Abby Binay na nagtamo ng 179,522 votes laban sa kanyang nakababatang kapatid na si Junjun na nakakuha ng botong 98,653.

Magkakasabay  na  iprinoklama ng Comelec sina Abby kasama ang kanyang mister   na si Luis Campos na nagwaging kandidato bilang kongresista sa ikalawang distrito na nakahakot ng 90,736 na boto laban kay King Yabut na may boto lamang na 63,245.

Tinalo naman ni Monique Lagdameo na nagkamit ng 182,655 na boto bilang bise alkalde ng lungsod ang dating artistang action star na si Monsour Del Rosario na nakakuha lamang ng botong 105,153.

Sa Pasay City, dakong ala-una ng hapon kahapon nang iproklama ng Comelec ang mga nanalong kandidato sa lungsod na pinangunahan ni incumbent Congresswoman Imelda “Emi” Calixto-Rubiano bilang alkade ng lungsod, ang nakatatandang kapatid nitong si incumbent Mayor Antonio “Tony” Calixto bilang congressman, reelec­tionist Vice Mayor Boyet Del Rosario, gayundin ang mga nanalong konsehal sa lungsod.

Sa Parañaque City naman, naiproklama na rin ng Comelec at isang ‘sweep’ ang ginawa ng “Team Olivarez” na nanalo lahat ang kandidato na pinangunahan ni reelectionist Mayor  Edwin Olivarez para sa kanyang ika-tatlo at hu­ling termino; ang nakababatang kapatid nitong si  reelectionist District 1 Congressman Eric Olivarez; reelectionist Vice Mayor Rico Golez at ang lahat ng mga kaal-yado nitong konsehal gayundin si District 2 Congressman Gus Tambun­ting na walang kalaban sa kanyang tinatakbuhang posisy-on.

Sa Las Piñas City, dakong alas-11:30 ka­makalawa ng gabi nang iproklama ng Comelec sina reelectionist Mayor Imelda Aguilar at ang kanyang anak na si  April bilang vice-mayor ng lungsod at ang anak ni Senadora Cynthia Villar na si Camille bilang congresswoman ng naturang lungsod.

Si Mayor Aguilar ay humakot ng botong 170,972 samantalang ang kanyang anak na si April ay nakakuha naman ng botong 161,789.

Sa Muntinlupa City, kahapon ng alas-10:00 ng umaga nang iproklama ng Comelec bilang alkalde ng lungsod ang mga reelectionist na sina Mayor Jaime “Jimmy” Fresnedi; Congressman Ruffy Biazon at Vice-mayor Temy Simundac.

Sa area naman ng Taguig City, dakong alas-2:30 kahapon ng hapon nang iprinoklama ng Comelec sina dating Senador at Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na nagwaging kandidato bilang kongresista sa unang distrito ng lungsod; ang asawa nitong si Mayor Lani Cayetano na nagwagi namang congresswoman sa Ikalawang Distrito gayundin ang kapatid nitong si Lino Ca­yetano na nanalo naman bilang alkalde sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.