MAY isang payo lamang si Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa sinumang papalit sa kanya sa government agency na nagre-regulate sa professional sports sa bansa.
“No bias,” pahayag ni Mitra sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.
Sinabi ni Mitra, isang three-term congressman at governor ng Palawan bago itinalaga ni Presidente Rodrigo Duterte bilang GAB chairman noong 2016, na sinunod niya ang napakasimpleng formula sa kanyang termino, at umubra naman ito.
“Kailangan, no bias ka. Always be fair. Remember that you are the GAB chairman of the whole Philippines and not for a certain gym or a certain province,” anang 52-year-old official.
Ang termino ng GAB chairman ay co-terminus sa Pangulo, na magtatapos sa June 30.
“I’m okay. I’m ready to go. I’m excited to go back to private life,” dagdag ni Mitra sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Unilever, Amelie Hotel Manila, and the Philippine Amusement at ng Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon kay Mitra, na nagtrabaho nang husto para maiangat at mapangalagaan ang kapakanan ng mga nasa professional sports sa kanyang termino, wala siyang ideya kung sino ang papalit sa kanya.
“So far, no communication and no news. We are giving courtesy to the President,” ani Mitra, na inaasahan ang maayos na paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon.
“‘Yung sa amin was very smooth. We sat down with then chairman Ramon Guanzon and called everybody to present the status of the agency,” dagdag ni Mitra, na nagprisinta sa forum ng maikling video na na nagtatampok sa kanyang termino.
Ipinagmamalaki ni Mitra ang kanyang mga nagawa bilang GAB chairman, at inamin ang mga kinaharap na matitinding hamon na dulot ng pandemya.
“But we revived sports even during the pandemic,” aniya.
Ang tanging pinanghihinayangan niya, ayon kay Mitra, ay dahil sa kawalan ng pondo ay hindi niya lubusang natulungan ang retired pro athletes, kabilang yaong nasa brutal sport ng boxing, at maging ang kanilang mga promoter.
“Madagdagan sana ‘yung assistance. We regret that we don’t have the funds for our retired professional athletes. Kung meron lang sana pondo for their monthly (pension) or housing, insurance and health care.”
“May konti din frustrations,” sabi pa ni Mitra.
“But I am leaving behind a vibrant and adaptive government office. Philippine professional sports grew tremendously during the time of President Duterte,” dagdag ni Mitra, na taas-noong bababa sa puwesto.