MIYEMBRO NG 3RD SEX NAGBIGTI, IPINAKITA PA SA SOCIAL MEDIA

bigti

PATAY ang 19-anyos na bading matapos magbigti na kanya pang ipinadala sa chat group ng mga kaibigan sa social media kahapon ng umaga sa Malabon City.

Kinilala ang biktima na si Alfrain Kile Tenaja, residente ng 10 Gulayan St., Brgy. Concepcion.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Joselito Bagting at PO2 Philip Cesar Apostol ng Malabon police homicide unit, bago nangyari ang insidente ay kainuman pa ni Tenaja ang kanyang malalapit na kaibigan kabilang sina John Michael Restar, 19, ng E. Jacinto St., Brgy. Concepcion at Paul Vincent Gutierrez, 21, ng Brgy. Tañong.

Nang magpaalam ang biktima sa kanyang mga kaibigan upang umuwi na sa kanilang bahay dakong alas-6:50 ng umaga, nagulat na lamang sina Restar at Gutierrez nang makita sa kanilang chat group sa messenger ang larawan ng isang nakabuhol na lubid na gamit na pambigti kasabay ng mensahe ng pama­maalam.

“Sorry and goodbye, sorry goodnight, I love you guys and sorry sa pagiwan ko and this time masasabi o magpapatalo na ako,” nakasaad sa mensahe ng biktima.

Dahil dito’y kaagad na tinungo ng dalawa ang bahay ng kaibigan at dito nila nadiskubre ang nakabigting katawan ng biktima sa loob ng banyo.

Kaagad nilang kinalag ang lubid sa leeg at isinugod sa Ospital ng Malabon ang kaibigan subalit hindi na rin umabot ng buhay. EVELYN GARCIA

Comments are closed.