MIYEMBRO NG CRIMINAL GANG BULAGTA SA ENGKUWENTRO

engkwentro

LAGUNA – NAPATAY ang isa sa itinuturong miyembro ng “Batang Kubo/Bantugon Group” matapos magawa umanong manlaban habang aktong isinasagawa ng mga kagawad ng Provincial Intelligence Branch (PIB), Batangas Provincial Drug Enforcement Unit at Bay PNP ang buy bust operation sa bahagi ng Brgy. Masaya, bayan ng Bay, kahapon ng umaga.

Ayon sa Provincial Information Officer PCI Jojo Sabeniano kay Laguna PNP Provincial Director PSSupt. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na suspek na si Ruel de Chavez y Bedonia, 41, may-asawa, ng Brgy. Paciano Rizal, ng bayang ito.

Sinasabi sa ulat na bukod sa pagtutulak umano ng droga, napapabilang pa ang suspek sa gun for hire kung saan target nito at iba pa sa kanyang mga kasamahan ang mga politiko sa iba’t ibang lugar sakop ng Calabarzon Area.

Sa Imbestigasyon, bandang alas-8:05 ng umaga ng magkasa ng buy bust operation si PIB Chief PCI Ryan Jay Orapa at pinagsanib na operatiba habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer ng hindi umano inaasahang magawang manlaban ng suspek.

Mula sa kanyang minamanehong motorsiklo, hindi na nagawa pang makatakas ng suspek kung saan agaran itong binawian nang buhay bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.

Narekober ng pulisya mula sa suspek ang kalibre 45 baril na Remington, 2 magazine at mga bala, 2 medium plastic at small medium plastic sachet na naglalaman ng shabu, buy bust money, motorsiklo at iba pa nitong personal na kagamitan. DICK GARAY

Comments are closed.