LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng mga kagawad ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT) SOT/RHPU4A at Calamba City PNP ang itinuturong Top 5 Most Wanted Person sa lalawigan kaugnay ng kinasasangkutan nitong kaso ng Carnapping sa Bgy. Frinza, lungsod ng Calamba.
Batay sa ulat ni PHPT Chief PCapt. Charlie Reyes kay RHPU4A Regional Chief PLt. Col. Samson Belmonte, nakilala ang suspek na si Darwin Nido, residente ng nasabing lugar.
Nabatid kay Reyes, dakong alas-4:20 ng hapon nang magkasa ang mga awtoridad ng Operation Manhunt Charlie sa pinagtataguan ng suspek bitbit ang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hon. Glenda R. Mendoza-Ramos, Presiding Judge, RTC Br 36, Calamba City kaugnay kaso nitong paglabag sa RA-10882 (New Anti-Carnapping Law of 2016) na may piyansa na umaabot sa P300 libong piso.
Batay sa report, nanghiram umano ng sasakyan ang suspek sa isa nitong kaibigan sa lungsod noong nakaraang taon 2018 bago nito nagawang itakas at magtago sa batas sa loob ng dalawang taon.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Calamba City PNP Lock Up Cell para panagutan ang kasong isinampa ng pulisya. DICK GARAY
Comments are closed.