MPBL: MANILA, SAN JUAN DUMIKIT SA FINALS

MPBL

SUMANDAL ang top-ranked San Juan-Go for Gold sa clutch hands ni Mike Ayonayon upang malusutan ang Pampanga-ADG Group, 86-84, at makauna sa kanilang 2020 Chooks-to-Go MPBL Lakan North semifinals series noong Biyernes ng gabi sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Wala nang oras, hinarap ni  Ayonayon si Travis Thompson sa isolation play, nag-drive sa basket, nag- fake, kumana ng floater at tumalbog ang kanyang tira sa back iron bago tumalbog papasok sa rim para sa buzzer-beater.

“Designed play ‘yun, wala nang oras eh, last shot, so aatakihin ni Mike, ‘pag nag-double kay Mike, kick out kay John. Eh, hindi dinouble si Mike, kaya ginawan na ng paraan ni Mike,” wika ni San Juan head coach Randy Alcantara.

Sinimulan ng Knights ang  payoff period sa 13-4 burst, tampok ang pull-up triple ni John Wilson sa 5:39 mark upang itarak ang 11-point margin, 80-69.

Subalit lumapit ang Giant Lanterns sa dalawang puntos makaraan ang freebie ni Dexter Maiquez, 84-82, may 1:20 ang nalalabi sa laro.

May 18.3 segundo ang na­lalabi, bumalik si Maiquez sa line makaraang bigyan siya ng foul ni Jhonard Clarito sa rebound play. Kalmadong isinalpak ni Maiquez ang dalawang free throws upang itabla ang talaan sa 84-all.

Muling nanguna si Wilson para sa San Juan na may 21 points, 6 rebounds, at 3  steals habang nagtala si Clarito ng 15 markers at 6 boards.

Bumawi si Ayonayon sa pagkamada ng 12 points at 6 rebounds makaraang mabokya sa kanilang huling laro kontra Pasay.

Tumipa si Michael Juico ng  18 points, 8 rebounds, at 5 assists laban sa 5 turnovers para sa Pampanga, habang nagdagdag sina Levi Hernandez ng 15 markers at Maiquez ng 13 points at 8 boards.

Sa unang laro ay nalusutan ng second seed Manila-Frontrow ang fourth quarter surge ng third-ranked Makati-Super Crunch upang maitakas ang 77-74 panalo at kunin ang Game 1 sa kanilang sariling semifinals series.

Sisikapin ng San Juan at Manila na maisaayos ang North division finals duel sa Miyerkoles, Marso 4, sa San Andres Sports Complex sa Manila.

Iskor:

Unang laro:

Manila-Frontrow (77) – Lastimosa 25, Dionisio 12, Bitoon 11, Matias 9, Dyke 6, Gabriel 5, Espinas 3, Abrigo 2, Tallo 2, Lopez 2, Go 0, Lee 0.

Makati-Super Crunch (74) – Apinan 17, Baloria 16, Ablaza 10, Sedurifa 10, Villanueva 8, Lingganay 8, Torralba 3, Cruz 2, Atkins 0, Manlangit 0.

QS: 18-10, 43-28, 62-52, 77-74.

Ikalawang laro:

San Juan-Go for Gold (86) – Wilson 21, Clarito 15, Wamar 13, Ayonayon 12, Isit 7, Estrella 7, Rodriguez 6, Aquino 3, Bunag 2, Gabawan 0, Victoria 0.

Pampanga-ADG Group (84) – Juico 18, Hernandez 15, Maiquez 13, Muyang 12, Cruz 10, Thompson 6, Apreku 3, Cervantes 3, Alberto 2, Fabian 2.

QS: 20-20, 50-43, 67-65, 86-84.

Comments are closed.