Inilunsad ni dating Senador Manny Pacquiao ang Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) na magbubukas sa susunod na buwan. Kuha ni RUDY ESPERAS
MATAPOS ang matagumpay na Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), inilunsad ni boxing icon at dating Senador Manny Pacquiao ang home and away Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) na magbubukas sa Oktubre.
“Ang vision ko rito is hopefully maging institution din ito kagaya ng MPBL (Maharlika Pilipinas Baa- ketball League),” sabi ng Pinoy boxing icon sa isang press conference.
Labing-isang koponan ang lalahok sa torneo na tatagal ng tatlong buwan at lalaruin sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao, kasama ang lalawigan ni Pacquiao General Santos City at Sarangani.
Ang mga koponang lalahok sa MPVA ay ang Manila, Quezon City, Marikina, San Juan, Bacoor, Bulacan, Rizal, Binan ( Laguna), Caloocan, Agusan at Blue Hawks.
“This is a grassroot volleyball competition designed to promote volleyball nationwide and tap and discover young promising talents for future international competitions,” sabi pa ni Pacquiao.
“Hindi lamang ito women’s kundi magkakaroon din tayo ng men’s category next year,” dagdag ni Pacquiao.
Idaraos ang mga laro tuwing Miyerkoles, Huwebes, Sabado at Linggo.
-CLYDE MARIANO