MALAPIT nang maging batas ang panukalang magpapalawig sa diskuwento sa mga kumokonsumo ng koryenteng hindi hihigit sa 100 kilowatt hour (kWh) kada buwan sa susunod na 10 taon simula sa 2021.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, mapapaso na sa Hunyo 2021 ang subsidiyang tinatawag na “Lifeline Rate” at ang panukalang palawigin pa ito hanggang Hunyo 2031 ay lumusot na sa second reading sa Senado.
“Hiling natin na maisabatas ito sa lalong madaling panahon para makatulong sa mga naghihikahos nating mga kababayan. Ang bawat pisong matitipid ay malayo ang nararating sa mga taong kapos sa buhay,” ani Gatchalian.
Binansagang “happy measure” ng kapwa niya mga senador ang panukalang batas ni Gatchalian o ang Senate Bill No. 1877, na naglalayong mabigyan ng diskuwentong aabot sa P900 kada taon ang may 5.5 pamilyang Filipino.
“Halos kalahating kaban ng bigas ang katumbas ng siyam na raan. Sapat na para maitawid ang ilang linggong konsumo nila ng kanin na hindi galing sa mga ayuda ngayong may pandemya,” ani Gatchalian.
“Layon ng Lifeline Rate na matulungan ang mga pamilyang maliit ang kinikita at maitaguyod ang kanilang buwanang gastusin sa kanilang mga pangunahing pangangailangan,” paliwanag ng Senate energy committee chairman.
Sinabi ni Gatchalian na kaugnay ito ng probisyon sa Section 73 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagpapatupad ng socialized pricing mechanism sa mga kuwalipikadong lifeline consumers o mahihirap na customer.
“Ngayon higit na kailangan ng ating mga kinakapos na kababayan ang diskuwento dahil patuloy silang nakikibaka sa mga hamon sa buhay na lalong pinalala pa ng pandemya na dulot ng COVID-19. Inaasahang ang masamang epekto ng pandemya ay patuloy na mararamdaman hanggang sa susunod na taon,” dagdag pa niya.
Ang probisyon sa Lifeline Rate ay una nang pinalawig, 10 taon na ang nakararaan at ito’y nakatakdang matapos sa darating na Hunyo 26 ng susunod na taon kaya kinakailangang magpasa ng batas upang maipagpatuloy pa rin ang pagpapatupad nito sa susunod pang 10 taon, ayon sa senador.
Bagaman ang mga regular na customer ang umaako ng bayarin ng mga nakikinabang sa Lifeline Rate, binigyang-diin ni Gatchalian na ka-karampot lamang ang singil dito. Aniya, isang porsiyento lamang ito o hindi lalagpas sa P0.07 sentimos sa buwanang bayarin sa koryente.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga kuwalipikadong marginalized end-users ay kinakailangang kabilang sa mga nakikinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o napatunayan ng mga distribution utilities na kuwalipikado batay sa pamantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) at poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA).
“Hindi natin dapat putulin itong Lifeline Rate na kritikal sa panahon ngayon lalo na sa mga taong patuloy na nakikibaka para maibigay ang mga pangangailangan ng pamilya at malampasan ang kahirapan sa buhay. Hinihiling natin na maisakatuparan ang pagpasa ng panukalang batas na ito bago mag-Hunyo 26 ng susunod na taon,” dagdag ni Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.