NAGKUNWARING PATAY PARA MAKALIGTAS SA HOLDAPER

holdaper

LAGUNA – LIGTAS at hindi namatay ang binatang nagtatrabaho bilang production operator sa electronics company na kasama ng dalagang pinagbabaril kamakailan sa lungsod ng Cabuyao.

Ito ang paglilinaw ng pulisya sa nasabing insidente taliwas sa unang ulat.

Batay sa pinakahuling ulat ng pulisya, si Carla Camille Perez lamang ang nasawi bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanyang noo.

Bagaman tinamaan din ng bala si Kim Earvin Mabuyo ay nakaligtas ito makaraang agad malunasan sa ospital.

Sa imbestigasyon, bandang alas-12:45 ng madaling araw ng maganap ang nasabing insidente habang papauwi si Perez at Mabuyo lulan sa motorsiklo mula sa Tagaytay nang holdapin ang mga ito sa lugar.

Ayon mismo sa nakaligtas na si Mabuyo, nagpatay-patayan lamang siya at nang makaalis ang mga holdaper ay humingi ng tulong.

Narekober din ng pulisya ang motorsiklo sa pinangyarihan ng insidente taliwas sa unang napaulat na tinangay ito ng mga suspek sa kanilang pagtakas.

Katatapos pa lamang magdaos ng kaarawan si Perez kasama si Mabuyo at iba pa nilang kaibigan nang holdapin ang mga ito. DICK GARAY

Comments are closed.