NAKIPAGTALO SA LOVER LUMAGOK NG SILVER CLEANER, 1 PA NAGBIGTI

Silver cleaner

MALABON CITY – DALAWANG katao ang nagpasyang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner at pagbigti sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.

Sa ulat ni PSSg Richard Andrew Calaycay kay Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, dakong alas-9:20 ng gabi, ginigising ng kanyang ina ang biktima na si Jayson Miclat, 33, helper, sa loob ng kanilang bahay sa Camus Ext., Brgy Ibaba, subalit hindi ito tumutugon.

Nang makita sa kanyang tabi ang isang silver cleaner ay agad isinugod ang biktima ng kanyang mga kaanak sa Ospital ng Malabon, subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Nauna rito, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at kanyang live-in parner na si Mary Ann Ferrer, 30, hinggil sa kanilang paghihiwalay na naging dahilan upang magbanta si Miclat ng salitang “Subukan mong umalis magpapakamatay ako”.

Lumabas ng bahay si Ferrer para bumili ng siga­rilyo subalit, pagbalik nito ay patay na ang biktima na inakala niya ay natutulog lamang.

Bandang alas-7:10 naman ng gabi nang unang madiskubre ng kanyang kapwa tenant na si Leonie Sartalan, 35, ang bangkay ng biktimang si Jev Baton, 29, factory worker, habang nakabigti ng nylon cord sa loob ng banyo sa 142 Custodio St., Brgy. Santulan.

Ayon kina police investigators PMSG Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy, inaalam pa ang tunay na motibo hinggil sa nasabing insidente. EVELYN GARCIA