Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – VNS vs PGJC-Navy (3rd Place)
5:30 p.m. – Cignal vs NU-Sta. Elena (Finals)
MAGTATAGPO ang landas ng Cignal at NU-Sta. Elena sa inaaasahang eksplosibong showdown para sa Spikers’ Turf Open Conference championship sa Game 1 ngayon sa Paco Arena.
“Masaya po siguro kasi No. 1 club team dito sa Pilipinas and No. 1 university team dito sa Pilipinas, maglalaban. So nilu-look forward ko ulit na makalaban ulit sila at makabawi kami sa pagkatalo last time,” wika ni Marck Espejo, ang top spiker ng HD Spikers, na makakaharap ang Nationals sa alas-5:30 ng hapon.
Nasayang ng Cignal ang two-set lead sa 25-20, 25-22, 23-25, 21-25, 10-15 loss sa NU-Sta. Elena sa pagsisimula ng semifinals. Ang HD Spikers ay nanalo sa kanilang unang paghaharap ng Nationals, 25-22, 25-22, 25-22, na tumapos sa five-match winning streak ng kanilang katunggali sa preliminaries.
Batid ni coach Dexter Clamor na ang best-of-three title series ay magiging mabigat dahil sa kalidad ng kanilang katunggali.
“’Yung NU talaga, promising talaga sila. Matitibay ang mga bata and then may international exposure,” pahayag ni Clamor, na target ibigay sa Cignal ang ikatlong sunod na titulo nito.
“I think this Finals is a very exciting game. Tinalo namin sila sa eliminations, binawian naman kami sa semifinals. Paghahandaan namin maigi ang Sta. Elena.”
Isang malaking bentahe ng HD Spikers ang karanasan, lalo na’t pangungunahan ito nina battle tested Espejo, Ysay Marasigan at JP Bugaoan.
“Siguro it all boils down to maturity ng bawat isa,” ani Clamor. “’Yun I think ang advantage namin.”
Anuman ang maging resulta ng championship, ipinagmamalaki ng Nationals ang naabot nila sa torneo
Ang Nationals, winalis ang kanilang tatlong semifinals matches, ay pangungunahan nina main hitters Nico Almendras at Mike Buddin, gayundin ni Congo’s middle blocker Obed Mukaba.
Maghaharap ang PGJC-Navy at VNS-One Alicia sa opener ng kanilang best-of-three series para sa third place sa alas-2:30 ng hapon.