SA KABILA ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay itutuloy pa rin ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang 96th season nito sa kalagitnaan ng taon.
Isasagawa ang kumpetisyon online at posibleng sa hybrid form, kung saan target ng pinakamatandang liga sa bansa na simulan ang special season sa unang linggo ng Mayo.
“Yes, we’ll be pushing through,” wika ni NCAA Management Committee (ManCom) Chairman Fr. Vic Calvo Jr. ng host Letran sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum kahapon.
Dalawang sports pa lamang ang siguradong idaraos online — chess at taekwondo, kabilang ang poomsae. Ang basketball at women’s indoor at beach volleyball, ay kabilang din sa calendar of events, depende kung aaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF).
Ayon sa ManCom chief, sumulat na ang collegiate league sa mga kinauukulang ahensiya, tatlong linggo na ang nakalilipas.
“For sure, dalawa or apat na hybrid and online competitions ang ikinakasa ng NCAA,” dagdag ni Calvo.
Dahil ipinagbabawal pa ang contact sports, kinokonsidera ng NCAA ang pagsasagawa ng online skills kapwa sa basketball at volleyball tulad ng slam dunk, skills at drills challenges, at three- point shootout.
“Possibly, kung papayagan (dahil) online din naman,” anang Letran official. “Pero may mga restrictions kasi ngayon e, yung IATF, and of course, CHED and other agencies.”
Ani Calvo, ang limitahan ang events para sa season ang pinakamagandang magagawa ng NCAA para muling pasiglahin ang college sports sa bansa na isasagawa ng liga sa pakikipagpartner sa broadcast giant GMA.
“That’s the best legacy Letran can give to the next season and the NCAA,” pagbibigay-diin niya. “Hindi tayo nag-give up kasi NCAA embodies the Filipinos’ resiliency and perseverance lalo na sa sports. CLYDE MARIANO
Comments are closed.