NCAA: SEMIS HOPES PALALAKASIN NG LYCEUM

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Arena)
11 a.m. – LPU vs SSC-R
2:30 p.m. – JRU vs AU

SISIKAPIN ng Lyceum of the Philippines University na makabalik sa Final Four contention sa pagsagupa sa San Sebastian College sa pagpapatuloy ng NCAA men’s basketball tournament ngayong Martes sa Filoil EcoOil Arena.

Ang Pirates ay nasa rollercoaster ride at labas-pasok sa Magic Four sa malaking bahagi ng season. Subalit ang masaklap na 69-68 pagkatalo sa Mapua Cardinals noong Sabado ang naghatid sa Lyceum sa sixth spot na may 6-8 record.

Gayunman, batid ng Pirates na may naaaninag pa silang pag-asa dahil ang panalo kontra SSC-R sa kanilang 11 a.m. duel ay bubuhay sa kanilang semis bid.

Sakaling malusutan ng Pirates ang Stags, aakyat sila sa joint fifth kasama ang Letran Knights (7-8) sa likod ng Emilio Aguinaldo Generals, na nasa No. 4 na may 7-7 marka.

Gayunman, gagawin ng SSC-R ang lahat para manalo.

Ang Stags ay nasa ilalim ng standings na may 4-10 kartada subalit nanatili sa kontensiyon at maipagpapatuloy ito kapag nawalis nila ang kanilang huling apat na laro, kabilang ang kontra Pirates.

Lumalaban pa rin para makasingit sa Final Four ang Jose Rizal U at Arellano U, na maghaharap sa 2:30 p.m. showdown.

Ang Chiefs ay may 5-9 marka habang ang Bombers ay may 4-10, at kapwa bawal matalo kung nais nilang manatili sa kontensiyon.