NETHERLANDS SA KRUSYAL NA PANALO VS CANADA

Mga laro sa Huwebes:
(Mall of Asia Arena)
11 a.m. – Brazil vs The Netherlands
3 p.m. – Canada vs Italy
7 p.m. – China vs Slovenia

PINALAKAS ng Netherlands ang playoff aspirations nito nang maitakas ang krusyal na 25-22, 25-22, 17-25, 25-18 panalo sa Day 2 ng Volleyball Nations League (VNL) men’s tournament Week 3 nitong Miyerkoles sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Maliban sa third-set stumble, ang Dutch ay nasa target na tapusin ang Canadians sa loob lamang ng isang oras at 37 minuto upang mapahigpit ang kapit sa No. 8 spot na may 5-4 record.

Ang panalo, sa likod ng kabayanihan ni skipper Nimir Abdel-Aziz, ay mahalaga para sa Netherlands upang makalayo sa France, na nasa No. 9 na may 4-5 marka.

Tanging ang top eight squads mula sa 16-team VNL, na inorganisa ng International Volleyball Federation (FIVB) at Volleyball World, ang uusad sa final round mula July 19 hanggang 24 sa Poland.

“It’s really important. We know it’s really close in the battle for the 7th and 8th place so we needed this win to keep our hopes of qualifying to the finals,” sabi ni Abdel-Aziz, na nagbuhos ng 24 points sa 22 attacks at 2 aces.

Ang outburst ni Abdel-Aziz ay kinabilangan ng tatlong sunod na puntos sa krusyal na second set, kung saan ang world No. 10 Netherlands matapos ang 25-22 panalo sa opening set ay nagpakawala ng 4-0 finishing kick upang kunin ang 25-22 panalo at itarak ang 2-0 kalamangan.

Nagdagdag si Jorna Gjis ng12 points at nagposte si Maarten Van Garderen ng 11 habang isinaayos ni Wessel Keemink ang mainit na opensa ng Dutch sa likod ng18 sets.

Nagising ang Canada, sa pangunguna ni Ryan Joseph Sclater, sa third set kasunod ng 17-7 simula upang mahila ang laro ngunit pinamunuan ni Abdel-Aziz ang Netherlands sa fourth set. Nakipagtambalan kay Garderen sa pagkakataong ito, ang 6-foot-7 na si Abdel-Aziz ay bumanat ng dalawang sunod na kills habang nagpakawala si Garderen ng tatlong sunod na aces para sa mainit na 5-1 simula ng Netherlands.

Hindi na lumingon pa ang Dutch tungo sa malaking panalo bago ang isa pang krusyal na duelo kontra powerhouse Brazil (6-3) ngayong Huwebes sa final preliminary leg ng VNL.

Nagpasabog si Sclater ng 20 points, ngunit nalasap pa rin ng Canada, ang world No. 15, ang ika-7 pagkatalo sa siyam na laro para manatili sa 14th place sa VNL Philippine leg.

-CLYDE MARIANO