NAGHAHANDA na ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa ‘new normal’ na i-estabilisa at kailangang sundin ng lahat ng residente sakaling tanggalin na ang enhanced community quarantine o ECQ sa May 15.
Kasabay nito ay hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat na huwag magpabaya at lalo pang maging maingat matuloy man o hindi ang pag-alis ng kwarantina.
Ayon kay Moreno ay nakikipagpulong na siya sa kanyang mga opisyal upang makapaglahad ng mga panuntunan na siyang susundin ng lahat ng mamamayan sa lungsod upang sila makaiwas at hindi ma-inpeksyon ng coronavirus.
“We will be establishing a system para kayo ay mabantayan, maalagaan at maiiwas sa mga posibleng nahawa o meron nang coronavirus, dahil pag tayo ay pumapasok na, sumasakay sa pampublikong sasakyan, hindi natin alam kung sino ang meron at wala. May gagawin tayo at ipababatid namin sa inyo sa mga darating na araw,” sabi ni Moreno.
“Inihahanda na natin ang ‘new normal’ sa kagustuhan kong maibalik din kayo sa trabaho at ma-normalze na ang lahat. Kung paano ia-address ang siyudad at mamamayan, na parte na ng buhay natin ang coronavirus hanggang sa magkaroon na ng vaccine laban dito,” dagdag pa ng alkalde.
Binanggit pa ni Moreno na ang lokal na pamahalaan ay walang tigil sa pag-iisip ng mga hakbang kung paano ang mga residente at buong komunidad ay makapagpatuloy ng kanilang araw-araw na buhay nang hindi kinakailangang isakripisyo ang kanilang kaligtasan .
Sa kabila ng maagang pagpaplano ay sinabi rin ng alkalde na ang pang-araw-araw na iniisip at kilos ng mga residente ng lungsod ang siyang pagbabasehan ng mga magiging panuntunan at ang tagumpay nito ay naka-depende sa pakikipagtulungan ng lahat .
Sakaling matanggal na ang ECQ ay hinimok ni Moreno ang lahat na mamuhay ng tulad ng nakagawian na, gayunman ay dapat pa ring mag-ing maingat tulad nung mayroong ECQ.
“Lifted o hindi, patuloy nating ilagay sa ating isipan na nasa kalagitnaan tayo ng giyera at ang kalaban natin ay traydor at nakamamatay, kaya kailangan nating mag- ingat nang husto kahit matapos ang ECQ,” pagtatapos ng alkalde. VERLIN RUIZ
Comments are closed.