(Ngayong Marso 8) MRT-3, LRT-2 MAY LIBRENG SAKAY SA KABABAIHAN

MAG-AALOK ang MRT-3 at  LRT-2 ng libreng sakay sa mga kababaihan ngayong Biyernes, Marso 8, bilang pagdiriwang ng Women’s Day.

Sinabi ng MRT-3 na ang mga babaeng pasahero ay maaaring mag-avail ng libreng sakay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Magbibigay rin ng libreng sakay ang Light Rail Transit Authority, na nag-o-operate sa LRT-2, sa mga babaeng pasahero sa parehong oras.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Railways and MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, ang libreng sakay ay bilang pagkilala at pasasalamat sa mga kababaihan para sa kanilang mahalagang papel sa lipunan.

“Ang LIBRENG SAKAY po ay simpleng paraan ng MRT-3 upang ipakita ang suporta sa bawat Juana at ang aming pasasalamat sa napakahalagang ambag ng mga kababaihan sa pagsulong ng kaunlaran ng ating bansa,” sabi ni Asec. Aquino.

Nauna na ring sinabi ng Philippine Coast Guard na magbibigay ito ng libreng sakay sa bus para sa  PITX-Cubao route sa Marso 6, 13 at 20 bilang pagdiriwang ng Women’s Month.