MOSCOW, Russia- “PAG—UWI ko uupakan ko ang mga ninja cops na ito.”
Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo sa kanyang pagharap sa Filipino community rito kasabay ng babalang dapat na silang maghanda dahil tiyak na may kalalagyan ang mga ito.
“They are now or they were identities and well, tapos nang Congress nag-investigate,,” sabi pa ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, bagama’t natukoy na nga sa isinagawang imbestigasyon ang mga sangkot na pulis sa drug recycling ay nais pa rin ng Chief Executive na pairalin ang due process sa mga ito.
Ito aniya ang dahilan kung bakit pinarerebisa rin niya kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang tungkol sa ninja cops at mula roon ay gagawa na siya ng kaukulang aksiyon sa mga tiwaling pulis na sangkot sa kriminal na gawain.
Mababakas sa pananalita ng Pangulo ang matinding galit kung kaya’t sinabi niyang uubusin niya ang mga tiwaling pulis sa sindikato ng ilegal na droga bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
Sinabi pa ng Pangulo na gagawin niya ang lahat ng kanyang magagawa upang sa nalalabing taon ng kanyang termino ay tuluyan nang mawakasan ang tiwaling gawain ng mga naturang alagad ng batas.
Magugunita na sa kanyang talumpati sa Valdai Discussion Club Forum ay tinukoy ng Pangulong Duterte na mayroong dalawang heneral na patuloy na sangkot at nakikinabang sa ilegal na droga.
Subalit nabigo namang banggitin ang pangalan ng mga naturang heneral.
Samantala, sa sandaling makuha ni Año ang report sa Imbestigasyon ng Senado ay agad itong iparerebisa sa National Police Commission (Napolcom) upang makapaghanda ng mga kaukulang rekomendasyon laban sa mga tinaguriang ninja cops. EVELYN QUIROZ