(No LeBron? No problem) LAKERS NAKAISA SA PISTONS

lakers

NAGBUHOS si second-year forward Kyle Kuzma ng career-high 41 points sa loob lamang ng 29 minuto, at rumolyo ang Los Angeles Lakers sa 113-100  panalo laban sa bumibisitang Detroit Pistons noong Miyerkoles.

Naitala ni Kuzma ang kanyang naunang career high na 38 points laban sa Houston Rockets noong nakaraang season noong siya ay rookie. Naipasok niya ang 16 of 24 field-goal attempts, kabilang ang 5 of 10 mula sa 3-point range, at nagdagdag ng apat na free throws.

Umangat ang Lakers sa 3-5 na wala si LeBron James, na hindi naglalaro magmula pa noong Christmas Day dahil sa groin injury.

Tumipa si Michael Beasley ng 19 points at 4 assists mula sa Los Angeles bench. Tumapos si Kentavious Caldwell-Pope na may 15 points, 6 rebounds at 4  assists, at nagdagdag si Ivica Zubac ng 11 points at 9 rebounds. Nag-ambag si Brandon Ingram ng 10 points, 9 rebounds at six assists, at umiskor din si JaVale McGee ng 10 points.

Bumuslo ang Lakers ng 56.1 percent mula sa field habang nagsalpak ang  Pistons ng 44.8 percent ng kanilang attempts.

WIZARDS 123, 76ERS 106

Bumanat si Bradley Beal ng 14 sunod na puntos sa fourth quarter at tumapos na may 34 upang tulungan ang Washington Wizards  na igupo ang Philadelphia 76ers noong Miyerkoles ng gabi para sa split ng home-and-home set.

Nagdagdag si Otto Porter, Jr. ng 23 points, ang kanyang pinakama­rami magmula nang magbalik mula sa quadriceps injury ngayong buwan,  at kumabig si Trevor Ariza ng 17.

Tumipa si Joel Embiid ng 35 points at 14 rebounds para sa 76ers.  Nakagawa sila ng 23 turnovers, at naputol ang four-game winning streak.

Nagdagdag si Jimmy Butler ng 23 points, at nagtala si Ben Simmons ng 15 points at 10 rebounds para sa Philadelphia.

BUCKS 116,

ROCKETS 109

Nagpasabog si Giannis Antetokounmpo ng 27 points at humablot ng season-high 21 rebounds upang ­tulungan ang ­Milwaukee na malusutan ang 42-point performance ni James Harden.

Ito ang ika-6 na 40-point outing ni Harden sa nakalipas na walong laro at umiskor siya ng 30 o higit pa sa 14 sunod na laro, ang pinakamahabang streak magmula nang gawin ito ni Tracy McGrady noong 2003.

BLAZERS 124, BULLS 112

Tumirada si CJ McCollum ng 24 points nang paamuhin ng Portland Trail Blazers ang bumibisitang Chicago Bulls noong Miyerkoles ng gabi.

Nakalikom si Jusuf Nurkic ng 18 points at 8 rebounds, nag-ambag si Seth Curry ng 17 points, at gumawa si Damian Lillard ng 16 points at 10 assists para sa  Trail Blazers, na nanalo ng tatlong sunod.

Gumawa rin si Zach Collins ng Portland ng 16 points.

Umiskor si Wendell Carter, Jr. ng 22 points para sa Bulls,  na natalo sa ika-5 sunod na pagkakataon. Nagdagdag si  Zach LaVine ng 18 points,  at tumipa sina  Kris Dunn at Bobby Portis ng tig-15  para sa Chicago sa first stop ng five-game road trip.

NETS 116,

HAWKS 100

Kumamada si D’Angelo Russell ng 23 points, humugot si Ed Davis  ng  season-high 16 rebounds, at nakabangon ang Brooklyn sa maagang 19 puntos na pagkakabaon upang gapiin ang Atlanta.

Nagdagdag si DeMarre Carroll ng 17 points upang tulungan ang Nets na umangat sa 21-22 sa kanilang ika-8 panalo sa hu­ling siyam na laro sa home.

Sa iba pang laro ay hiniya ng Grizzlies ang Spurs, 96-86;  pinalubog ng Mavs ang Suns, 104-94; at dinurog ng Pelicans ang Cavs, 140- 124.

Comments are closed.