TUMAAS ang ridership ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng 30% noong 2023 kumpara sa naitala noong 2022.
Sa isang statement, sinabi ng MRT-3 na lumago ang ridership nito sa 129,030,158 noong 2023 mula sa 98,330,683 noong 2022.
Tumaas din ang average daily ridership ng MRT-3 sa 357,198, na mas mataas ng mahigit 30% kumpara sa 273,141 na naitala noong 2022. Ang pinakamataas na single-day ridership ay naiposte noong August 22 na may 450,298 pasahero.
Ayon sa MRT-3, ang Agosto ang buwan na may pinakamaraming pasahero noong 2023, kasunod ang Oktubre, Setyembre, at Disyembre.
Sinabi ni MRT-3 officer-in-charge at Transportation Assistant Secretary Jorjette Aquino na ang pagtaas sa ridership ay sanhi ng “enhanced reliability at effective maintenance program ng rail line, at pagbabalik sa on-site work matapos ang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.”
“The continued effective maintenance and upkeep of MRT-3’s rehabilitated subsystems contributed to the improved reliability and efficiency of the rail line,” sabi ni Aquino.
“Our trains now receive necessary preventive maintenance and upkeep on time, while other subsystems such as tracks, signaling, and power are also properly maintained.”
Samantala, sinabi ng MRT-3 na may kabuuang 220,706 mananakay ang nakinabang sa free rides noong 2023.
Ang pasahe sa MRT ay inaasahang tataas sa P16 mula P13 sa first quarter ng 2024.