(Noong Oktubre) $328-M NET ‘HOT MONEY’ LUMABAS NG PH

UMABOT sa $328 million na foreign portfolio investments ang lumabas ng bansa noong Oktubre sa gitna ng ‘uncertainties’ sa global economy, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado.

Ang net outflow ay resulta ng $1.3 billion gross outflows at $954 million gross inflows sa naturang buwan.

Ayon sa central bank, ang naitalang net outflows noong Oktubre ay mas maliit kumpara sa net outflows noong Setyembre na $698 million.

Samantala, ang $954-million inward investments na naitala noong Oktubre ay lumago ng $67 million o 7.5% mula sa $888-million inflows noong Setyembre.

Ayon sa BSP, 60.5% ng investments ay nasa PSE-listed securities sa $577 million, karamihan ay ibinuhos sa mga bangko, ari-arian, holding firms, casinos and gaming, at  food, beverage and tobacco.

Nasa  39.5% naman ng investments noong Oktubre ang napunta sa peso government securities sa $377 million, habang ang nalalabing investments na less than 1% ay nasa ibang  instruments.

Ayon pa sa BSP, karamihan sa investments para sa Oktubre ay nagmula sa United Kingdom, United States, Luxembourg, Singapore, at Hongkong na may combined share sa kabuuan sa 88%.

Samantala, ang gross outflows na $1.3 billion ay bumaba ng 19.1% o $303 million mula  $1.6 billion noong Setyembre.

“The US remains to be the top destination of outflows, receiving $794 million (or 61.9%) of total outward remittances,” ayon sa central bank.

Ang year-to-date transactions ay may net outflow na $715 million, isang reversal mula sa $305-million net inflow na naitala noong Enero hanggang Oktubre 2022.