NOVEMBER INFLATION BUMAGAL SA 4.1%

PATULOY na bumagal  ang inflation rate ng bansa noong Nobyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na naitala ang inflation sa 4.1% noong nakaraang buwan, mas mabagal sa  4.9% rate noong Oktubre at sa 8% noong Nobyembre 2022.

Ito ang ikalawang sunod na buwan na bumaba ang headline inflation matapos ang dalawang sunod na buwan ng pagbilis.

Ang inflation noong Nobyembre ang pinakamabagal sa loob ng 20 buwan o magmula noong Marso  2022, nang maitala ang inflation sa 4%.

Pasok din ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 4% hanggang 4.8% para sa buwan.

Kasunod ng inflation print noong Nobyembre, ang year-to-date figure ay nasa 6.2%, mas mataas pa rin sa target range na 2% hanggang 4% ng pamahalaan.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Nobyembre 2023 kaysa noong Oktubre 2023 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages,” paliwanag ni Mapa.

Partikular na bumaba ang inflation rate ng heavily-weighted Food and Non-Alcoholic Beverages sa 5.7% mula  7% noong Oktubre, at nag-ambag ng 59.5% sa overall decline sa inflation noong nakaraang buwan.

Ang main contributor sa pagbagal sa Food and Non-Alcoholic Beverages index ay ang pagbaba sa presyo ng vegetables, tubers, at cooking bananas, etc. na may inflation rate na  -2% mula  11.9% noong Oktubre.

“Also contributing to the decline were the slower increase in fish and other seafood at 4.9% from 5.6% and sugar and desserts at 1.5% from 4.9%,” ayon sa PSA.

Samantala, sinabi ni  National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang pagbagal pa ng inflation ay maaaring bunga ng napapanahong pagpapatupad ng mga istratehiya para mapatatag ang suplay ng pagkain sa gitna ng inaasahang domestic at  external headwinds sa mga darating na buwan.