NUGGETS SINIBAK ANG SUNS; CELTICS HUMIRIT NG GAME 7

NAGSALANSAN si Nikola Jokic ng 32 points, 12 assists at 10 rebounds upang tulungan ang Denver Nuggets na pataubin ang host Phoenix Suns, 125-100, at tapusin ang kanilang Western Conference semifinal series sa anim na laro.

Umiskor si Jamal Murray ng 26 points at naitala ni Kentavious Caldwell-Pope ang lahat ng kanyang 21 points sa dominant first half para sa top-seeded Nuggets na umusad sa conference finals sa ikalawang pagkakataon sa nakalipas na anim na seasons. Ito ang ika-5 biyahe ng Denver sa Western finals sa kabuuan.

Nagtala si Cameron Payne ng personal playoff highs na 31 points at 7 3-pointers para sa fourth-seeded Suns. Umiskor si Kevin Durant ng 23 points, ngunit gumawa lamang si Devin Booker ng 12 na sinamahan ng 8 assists.

Sisimulan ng Nuggets ang Western Conference finals sa home sa Martes kontra Golden State Warriors o Los Angeles Lakers.

Tumipa si Bruce Brown ng 13 points at nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 10 para sa Nuggets, na bumuslo ng 53.7 percent mula sa field, kabilang ang 8 of 22 (36.4 percent) mula sa 3-point range. Kumonekta si Jokic sa 13 of 18 shots habang ipinoste ang kanyang ikatlong triple-double sa series.

CELTICS 95, 76ERS 86
Nagsalpak si Jayson Tatum ng apat na 3-pointers sa huling 4:14 ng fourth quarter at ginapi ng Boston Celtics ang host Philadelphia 76ers, 95-86, upang itabla ang kanilang Eastern Conference semifinal series sa 3-3.

Lalaruin ang Game 7 sa Linggo sa Boston.

Nagsimula si Tatum sa 1-for14 ngunit bumawi upang tumapos na may 19 points, 9 rebounds at 6 assists sa 5-of-21 shooting.

“I’m one of — humbly, one of the best basketball players in the world,” pahayag ni Tatum sa isang postgame interview sa ESPN. “You go through struggles. You go through slumps. My teammates trusted me.”

Nanguna si Marcus Smart para sa Celtics na may 22 points at nagdagdag si Jaylen Brown ng 17. Nag-ambag si Malcolm Brogdon ng 16, kumabig si Robert Williams ng 10 points at 9 rebounds, at kumalawit si Al Horford ng 11 rebounds.

Nagbuhos si Joel Embiid ng 26 points, 10 rebounds at 3 blocked shots at nagdagdag si Tyrese Maxey ng 26 points para sa Sixers, na hindi pa umaabante sa Eastern Conference finals magmula noong 2001.

Nagposte si James Harden ng 13 points at 9 assists.