OBIENA SILAT SA DIAMOND LEAGUE

NAGKASYA si Filipino pole vault sensation EJ Obiena sa ika-4 na puwesto sa ­maaaring pinaka-malaki niyang pre-Olympics tournament, ang Bauhaus-Galan Wanda ­Diamond League Meeting.

Sa torneong idinaos noong Linggo sa Stockholm, Sweden, magaan na na-clear ni Obiena ang 5.62-meter at  5.82-meter clearances sa isang attempt, at ang 5.72-meter mark sa kanyang ikalawang pagtatangka.

Gayunman ay nabigo siyang malagpasan ang 5.92-meter mark sa tatlong pagtatangka.

Kinuha ni world record holder Armand Duplantis ng Sweden ang gold makaraang malusutan ang 6.02-meter clearance. Nabigo siyang mahigitan ang kanyang world record na 6.10-meter mark nang hindi niya ma-clear ang 6.19 meters sa tatlong attempts.

Nakopo ni American pole vaulter Sam Kendricks ang silver medal matapos na ma-clear ang 5.92 me-ters sa isang attempt subalit nabigo siyang malagpasan ang 6.02-meter clearance.

Nagkasya naman si Renauld Lavillenie  ng France — ang 2012 London Olympics pole vault champion – sa bronze makaraang ma-clear ang 5.92-meter mark sa kanyang ikalawang attempt.

Nakasagupa rin ni Obiena sa torneo sina Piotr Lisek ng Poland, Americans Christopher Nielsen at  KC Light-foot, at Melker Svard Jacobsson ng Sweden.

Sa kanyang mga naunang pre-Olympics tournaments ay nagwagi si Obiena ng apat na ginto sa Folksam Grand Prix noong nakaraang June 3, sa Jump & Fly International Athletics Meet noong June 12, sa True Athletes Classics meet noong June 27, at sa Taby Stav Gala Street Pole Vault competition nitong July 3.

Nanalo rin si Obiena ng silver sa Irena Szewinska Memorial / Bydgoszcz Cup nitong July 1, kung saan na-clear niya ang 5.87 meters para magtala ng bagong national record sa outdoor pole vault, at sa FBK Games noong nakaraang June 6.

Si Obiena ang unang Filipino athlete na nakapasok sa Tokyo Olympics.

Ang iba pang Pinoy na kakatawan sa bansa sa pinakaprestihiyosong multisport event sa mundo ay sina Carlos Yulo (gymnastics), Eumir Felix Marcial (boxing), Irish Magno (boxing), Nesthy Petecio (boxing), Carlo Paalam (boxing), Hidilyn Diaz (weightlifting), Cris Nievarez (rowing), Kurt Barbosa (taekwondo), Margielyn Didal (skateboarding), Elreen Ando (weightlifting), Jayson Valdez (shooting), Juvic Pagunsan (golf), Kiyomi Watanabe (judo), Kristina Knott (athletics), Yuka Saso (golf), Bianca Pagdanganan (golf), Luke Gebbie (swimming) at Remedy Rule (swimming).

3 thoughts on “OBIENA SILAT SA DIAMOND LEAGUE”

Comments are closed.