HINDI NABABAHALA ang Department of Energy (DOE) sakaling kuwestiyunin sa korte ng mga kompanya ng langis ang ilalabas nilang utos na “unbundling” o paghimay ng presyuhan ng petrolyo.
“We just have to perform our mandate and kailangan pag-usapan natin nang mas maganda, mas madetalye,” ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.
Sinabi ng mga source sa industriya, balak kuwestiyunin sa korte ng mga malalaking oil firm ang nasabing utos ng DOE.
Ayon naman kay Bong Suntay, tagapangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association, na binubuo ng mga independent oil firm, maaaring gayahin din daw nila ang hakbang na gagawin ng mga malalaking kompanya.
“Kasi kapag tinuloy nila, we might be constrained to go to the path na taken by the bigger players, which is also to file a temporary restraining order,” ani Suntay.
“Hindi naman nila (SEC) trabaho to look into ano ‘yong profit margin ng company and ‘yong breakdown ng costs,” dagdag ni Suntay.
“A player… nagpepresyo ka dahil ‘yon ang presyo na idinidikta ng market doon sa lugar na ‘yon,” sabi naman ni Philippine Institute of Petroleum Executive Director Teddy Reyes.
Kinumpirma ni Energy Secretary Alfonso Cusi na pinirmahan na niya ang utos at ilalathala na ito sa mga susunod na linggo bago maging epektibo sa Hulyo.
Sa draft order ng DOE, oobligahin ang mga oil firm na magsumite ng presyo ng imported na petrolyo, biofuels cost, buwis, freight, insurance, at iba pang parte ng presyo kabilang na ang kita.
Sang-ayon naman si Laban Konsyumer President Vic Dimagiba sa utos na “unbundling” dahil karapatan daw ng publiko na malaman kung paano kinuwenta ang petrolyo na ikinakarga nila.
Comments are closed.