(Oportunidad sa employment, investment, tourism inaasahan) BAGONG TERMINAL NG CLARK INT’L AIRPORT BUKAS NA 

BINUKSAN na kahapon ng Clark International Airport (CRK) sa Pampanga ang bagong passenger terminal nito, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Binigyan ng water cannon salute ang unang flights na umalis at lumapag sa terminal. kabilang ang mga flight ng Jetstar Asia at Cebu Pacific Air.

Ang bagong CRK Terminal ay ino-operate ng Luzon International Premiere Airport Development (LIPAD) Corp. Joint project ito ng Department of Transportation (DOTr) at ng Bases Conversion and Development Authority ( BCDA).

Ayon sa DOTr, sa pagsisimula ng operasyon ng bagong terminal ay mas maraming oportunidad sa employment, investment, tourism, at iba pang socio-economic sectors ang inaasahang magbubukas hindi lamang sa Central Luzon, kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.

Ang 110,000 square-meter na bagong terminal ay may kapasidad na hindi bababa sa 8 million passengers taon-taon, na inaasahang makatutulong para lumuwag ang Ninoy Aquino International Airport.

“Despite and notwithstanding the COVID-19 pandemic, sige-sige at tuloy-tuloy ang trabaho para mapakinabangan agad ang proyekto ng ating mga kababayan. Kaya naman natapos sa kabila ng pandemya. This project is a living proof that if we work together and jointly commit ourselves to provide a life of comfort and convenience for all, nothing will be impossible,” sabi ni DOTr Sec. Arthur Tugade.  LIZA SORIANO,FROILAN MORALLOS