MAKATI CITY – KALABOSO ang bagsak ng limang suspek na sinasabing tulak ng droga sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Manila Police District at Makati City Police Station sa Barangay Palanan.
Aabot sa P1.3 milyon ang halaga ng mga nasabat na droga sa mga suspek ayon sa MPD.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang mga naarestong suspek na sina Ronald James Sotolombo, 30; Renato Apolinario, 29; alyas Jenn; alyas Samantha at Shannel Dilagan, 28-anyos.
Batay sa inisyal na ulat ng MPD, isinagawa ang operasyon dakong 1:30 ng madaling araw ng Martes, Pebrero 4 sa Melbourne Residences sa Buendia.
Nakumpiska sa kanila ang nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu, 4 na tableta ng ecstasy, 1 digital weighing scale at cash na aabot sa P16,000.
Sinalakay ang lugar bilang follow-up operation matapos maaresto kamakailan ang drug personality na si Joshua Geronimo na una nang nadakip sa Maynila. PAUL ROLDAN