P1-M MULTA SA LALABAG SA SRP

MULING nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) na pagmumultahin ng P1 million ang mga establisimiyento na magmamanipula sa halaga ng mga bilihin o lalabag sa suggested retail price (SRP).

Ngayong araw ay sisimulang ipatupad ng DTI ang SRPs sa walong pa­ngunahing bilihin sa Metro Manila.

Layunin nito na  maiwasan ang pananamantala ng ilang mga negos­yante.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang SRPs ay ipatutupad muna sa Metro Manila habang pinag-aaralan ang mga lalawigan dahil mas mataas, aniya, ang suplay ng ilang commodities sa ibang lugar na nagreresulta sa mas murang ­presyo.

Napag-alaman na ang SRP ay napagkasunduan ng mga stakeholder matapos ang ilang konsultas­yon sa iba’t ibang sektor.

Kabilang ang regular milled rice sa lalagyan ng SRP na P39 kada kilo.

Tatlong klase ng isda rin ang saklaw ng SRP: ang bangus ay may SRP na P150 kada kilo; tilapia, P100 kada kilo; at galunggong, P140 kada kilo.

Ang pulang sibuyas ay may SRP naman na P95 kada kilo; puting sibuyas, P75 kada kilo; imported na bawang, P70 kada kilo; at ang lokal na bawang ay may SRP na P120 kada kilo.

Ayon kay Piñol, kasalukuyan pang nagsasagawa ng konsultas­yon para sa para sa iba pang pangunahing bilihin tulad ng karne, poultry products at mga gulay para sa pagtatakda ng kaukulang SRP.

Ang SRPs, gayunman, ay hindi, aniya, pangmatagalan dahil kailangan ding isaalang-alang ang ilang kondis­yon tulad ng panahon at epekto ng presyo sa mga magsasaka at mangi­ngisda.

Dagdag pa ng kalihim, makikipagtulungan ang DA sa DTI para sa mahigpit na price monitoring sa mga pamilihan.     VERLIN RUIZ

 

 

 

Comments are closed.