UMABOT sa P12 bilyon ang kabuuang halaga ng agricultural damage at losses na natamo ng 10 rehiyon dahil sa Habagat at pananalasa ng mga bagyong Egay at Falcon, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa final bulletin nito, sinabi ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center na ang masamang panahon ay nakaapekto sa 437,032 magsasaka at mangingisda sa Cordillera region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Caraga.
Nasa 250,174 ektarya ng agricultural areas ang naapektuhan at ang production loss ay tinatayang nasa 279,289 metric tons (MT).
Ang mga apektadong commodities ay kinabibilangan ng bigas, mais, high-value crops, livestock and poultry, at fisheries.
Ang pinsala sa bigas ay nagkakahalaga ng P3.08 billion mula sa 145,010 ektarya at ang production loss ay nasa 69,748 MT, o 0.35 percent ng 19.76 million MT total annual production target volume para sa bigas.
Para sa mais, ang pinsala ay nagkakahalaga ng P2.37 billion mula sa 91,506 ektarya at ang production loss ay nasa 126,757 MT o 1.36 percent ng 9.30 million MT total annual production target volume para sa mais. Nagtamo rin ng pinsala sa agricultural machinery and equipment, irrigation systems, farm and fishery facilities, at fishing gear and paraphernalia.
Namahagi naman ang DA-DRRM Operations Center ng tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda noong Huwebes —P46.48 million na halaga ng rice seeds sa Central Luzon, Mimaropa, at Western Visayas; P10.08 million na halaga ng corn seeds sa Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, at Western Visayas; P1.75 million na halaga ng assorted vegetable seeds sa Cagayan Valley; P51,000 na halaga ng iba’t ibang veterinary drugs para sa livestock sa Ilocos; at 12,790 bags ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa Ilocos.
(PNA)