HINILING ng Grab Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na muling ipatupad ang ipinapataw nilang P2/minute travel charge.
Sa argumento ng Grab, labag umano sa equal protection clause sa ilalim ng Saligang Batas ang suspensiyon sa travel charge nito.
Sa kanilang petisyon, sinabi ng Grab na ang suspensiyon ay nagdulot ng benepisyo sa ibang transport network companies (TNC).
Lumipat daw kasi sa kanila ang drivers at operators ng Grab dahil pinapayagan ang ibang TNCs na magpatong ng per minute charge.
“Sa tingin po namin, ito ay patas lang, dahil mayroon din naman mga per minute component ang fares ng mga bagong TNCs (transport network companies),” paliwanag ni Grab Phil. manager Brian Cu.
“Gusto naming malaman ninyo, that we are doing what we can para matulungan kayo. Alam namin na mahirap para sa inyo na patuloy na mag-adjust sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, maging ang maintenance cost ng inyong mga sasakyan,” ani Cu.
Sinuspinde ng LTFRB ang P2 per minute travel charge ng Grab habang iniimbestigahan nito ang akusasyon ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles ng illegal charges ng TNC.
Nabatid na may nakahain ding fare hike petition sa tanggapan ng LTFRB ang Grab bukod sa iba pang extra-charge component.
Ayon sa Grab nakatatanggap sila ng hanggang 600,000 passenger booking requests araw-araw subalit nasa 35,000 sasakyan lamang ang available para magserbisyo sa customers. Kaya nagreresulta ito ng higher rates, long waits for cars, or failed bookings.
Bunsod naman ng lumalaking demand, may mga bagong ride-hailing apps ang nag-a-apply sa LTFRB para mabigyan ng accreditation kabilang dito ang Hirna, MiCab, at Hype. VERLIN RUIZ
Comments are closed.