HUMIRIT ang grupong Panaderong Pinoy at Philippine Baking Industry ng P4 taas-presyo sa Pinoy tasty at Pinoy pandesal.
Ayon kay Panaderong Pinoy president Chito Chavez, hindi lang ang pagtaas ng presyo ng harina ang dahilan ng hirit nilang dagdag-presyo kundi maging ang patuloy na pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Gayundin ay malaki, aniya, ang naging epekto ng pandemya sa kanilang benta.
“Ilang taon nang walang estudyante ang Maynila, halos mahigit dalawang taon, halos puro tag-araw ang aming dinaranas mababang-mababa ang benta namin, mag-expect lang kami na magkaroon ng benta kung mag- face-to-face na ngayong susunod na buwan, ‘yun na lang ang aming naisip para kami makabawi,“ sabi ni Chavez.
Aniya, humihirit silang taasan ang presyo ng Pinoy tasty at Pinoy pandesal para kahit papaano ay makapagtaas na rin ng presyo ang mga community baker lalo’t ang mga tinapay na ito ang barometro ng mga mamimili sa pagbili ng tinapay.
Sinabi naman ni Johnlu Koa, presidente ng Philippine Baking Industry Group, na maaaring ipatupad ang taas-presyo nang pautay-utay.
“But [Trade] Secretary Mon Lopez together with Usec. Ruth Castelo are trying their best to give as consideration and they might go to give us baby increase, P2 muna and then pagdating ni Secretary Pascual baka bigyan din kami ng another P2 by then malay mo, Russia declares end of the war, the market will recover,“ wika ni Koa.
Aminado ang ilang panadero na labis silang apektado sa taas- presyo ng harina dahil sa nagpapatuloy na Russia-Ukraine crisis.
Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na dagdag-presyo.