(P5.45/L sa gasolina; P11.45/L sa diesel) BIG-TIME OIL PRICE ROLLBACK

petrolyo

MATAPOS ang 11 sunod-sunod na linggong price hike ay magkakaroon ng malaking bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Martes, Marso 22.

Ito ang unang fuel price rollback ngayong taon.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at  Seaoil Philippines Inc. na may P5.45 rolbak sa presyo ng kada litro ng kanilang gasolina, P11.45 sa diesel at P8.55 sa kerosene.

Magpapatupad ang Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Epektibo ang bawas-presyo ngayong alas-6 ng umaga.

Noong nakaraang Martes, Marso 15, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P13.15 taas-presyo sa kada litro ng diesel, P7.10 sa kada litro ng gasolina at  P10.50  sa kada litro ng kerosene.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P30.65, gasolina ng P20.35, at kerosene ng P24.90.