PANAHON na para magretiro sa pagboboksing si People’s champion Manny Pacquiao matapos ang impresibong panalo nito kay Argentinian boxer Lucas Matthysse.
Opinyon ng sports analyst na si Nissi Icasiano na makabubuting gamitin na ni Pacquiao ang panibagong panalo para sa isang glorious exit sa larangan ng boxing.
“Itong boxing it doesn’t smile upon aging fighters napaka-evident po niyan kung titingnan natin ang mga last fight nina Mohammad Ali, Mike Tyson, Oscar dela Hoya, kung bibigyan ng glorious exit si Pacquiao ito na ang tiyansa niya,” ani Icasiano
Gayunman, sinabi ni Icasiano, kung sakaling piliin pa rin ni Pacquiao na magpatuloy lumaban, nakatitiyak siyang muling magiging mataas ang value nito.
“If ‘yung intention niya is kumita pa ng mas malaking pera after this win e mukhang mas malaki pa ang kikitain niya sa mga susunod na laban,” pahayag ni Icasiano.
Samantala, ilang senador ang sumusog sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte kay People’s Champ Senador Manny Pacquiao na magretiro na sa boxing matapos ang matagumpay na laban kay Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Sen. Joseph Victor Ejercito, naipakita na ni Pacquiao ang galing ng Filipino sa buong mundo at umani na ito ng paghanga.
Para kay Senador Sonny Angara, mas mainam na magpahinga na si Pacquiao sa nasabing larangan dahil naipakita na nito ang galing sa ibabaw ng ring.
Sinabi naman ni Sen. Ralph Recto, kung titigil ngayon ang eight division world champion, higit na maaalala ng publiko ang kaniyang mga tagumpay dahil sa kaniyang huling match na talagang impresibo.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, huwag na sanang hintayin ng Pinoy ring icon na magkaroon pa ng masaklap na pangyayari bago ito huminto sa pakikipaglaban.
Si Pacquiao ay hinimok ng Pangulong Duterte na makabubuting magretiro na habang bata pa ito upang ma-enjoy naman umano nito ang kanyang buhay. (May dagdag na ulat mula sa DWIZ882).
Comments are closed.