PAG-ASA SA KABILA NG KRISIS

KAMAKAILAN, sa isang survey na isinagawa ng Pulse Asia sa mahigit 1,000 Pinoy, 43 porsiyento sa kanila ang umaasang mas magiging masagana ang kanilang Kapaskuhan sa kasalukuyan kumpara noong nakalipas na taon.

May 42 porsiyento naman ang nagsabing katulad na sitwasyon lamang ang kanilang Pasko noon at ngayong taon, o nangangahulugang may positibong pananaw ang mga Pilipino sa pagpasok ng taong 2023.

Maraming dapat asahan ang ating mga kababayan sa pagpasok ng bagong taon. Ang mga repormang isinulong at inisponsor natin noong nakaraang administrasyon ay maipatutupad na sa pagpasok ng taong 2023. Partikular d’yan ang mas pinababang income tax rates sa ilang government at private sector workers. Sa Enero ng darating na taon, ipatutupad ang mas mababang buwis na inilalahad sa third tranche ng rate reductions alinsunod sa isinasaad ng RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ang mga manggagawa naman, base pa rin sa isinasaad ng batas, na taunang kumikita ng 250,000 o mas mababa rito ay mananatiling tax-free o walang anumang buwis; ang mga kumikita naman ng mas higit sa P250,000 taon-taon o mas mababa sa P400,000 ay papatawan ng 15 percent tax. Mababatid na nitong mga nakaraang taon, 20 porsiyento ang ipinapataw sa kanilang kinikita.

Sa mga kababayan naman nating taunang kumikita ng halagang nasa pagitan ng P400,000 at P800,000, sila ay may fixed obligation na P22,500 bukod pa sa 20 percent of the excess over P400,000. Dati, ang fixed obligation o fixed amount ay nasa P30,000 at ang buwis na ipinapataw ay nasa 25 porsiyento.

Ang mga empleyado na kumikita ng higit sa P800,000 subalit mas mababa sa P2 milyon ay inaasahang magbabayad ng P102,000 bukod pa sa 25 percent of the excess over P800,000. Dati, kinakailangang magbayad ng fixed amount na P130,000 ang mga empleyadong ito bukod pa sa 30 percent of the excess over P800,000.

Ang mga kumikita naman ng nasa pagitan ng P2 milyon at P8 milyon ay may tax obligations na P405,000 plus 30 percent ng excess over P2 million. Dati-rati, ang mga empleyadong ito ay may fixed obligation na P490,000 plus 32 percent of the excess over P2 million.

Base sa paliwanag ng tax experts, sa sandaling maipatupad ang mga repormang ito, posibleng umabot sa dagdag na P18,000 kada buwan ang take home pay ng mga empleyado base sa isinasaad ng income brackets.

Sa kasalukuyan, nananatili tayong nasa krisis. At ang malamang marami sa mga kababayan natin ang patuloy na umaasa ng magandang bukas sa kabila ng mga problemang ito ay isang magandang pangitain. Kaya ang inyong lingkod, bilang chairman ng Senate Committee on Finance, ay patuloy ring naghahanap ng paraan upang matiyak na may sapat na pondo ang gobyerno para sa mga mahahalagang programa tulad ng ‘ayuda’ sa mga higit na nangangailangan – o sa mga panahong kinakailangan ito ng ating mamamayan.

Sa ilalim po ng 2023 budget, hanggang P102.6 bilyon ang inilaan sa 4Ps program, habang umaabot naman sa P50 bilyon ang para sa social pensions ng ating pinakamahihirap na senior citizens

Marami rin sa mga programa ng DSWD ay pinondohan tulad ng P36.8 bilyon para sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Cirumstances program ng departamento; P5.2 bilyon supplementary budget para sa kanilang feeding program; P6.7 bilyon para sa KALAHI-CIDSS program kung saan, direktang gagalaw ang mga lokal na pamahalaan sa pagkilala, pagpapatupad at pagkumpleto sa poverty alleviation projects at community-driven development; P6.5 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program na ilalaan sa tinatayang 200,000 household beneficiaries kaakibat ang microenterprise assistance o employment facilitation services at maraming iba pa.

Ang sabi nga natin, kung sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng ating bansa at ng ating mamamayan ay may pag-asa pa rin pala sila sa kanilang kalooban ay isang pahiwatig na mas kailangang paigtingin ng gobyerno ang kanilang pagseserbisyo sa mamamayan. Huwag nating sayangin ang kanilang tiwala at patuloy na pag-asa sa mas magandang pamumuhay sa mga darating na araw. Tayo, bilang bahagi ng gobyerno ay patuloy ring mangunguna sa pagtalima sa ating tungkuling tumulong at maglingkod sa bayan at sa sambayanan.