PAG-IMPORT NG ASUKAL INALMAHAN

MATINDING pagtutol ang ipinahayag ng mga kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW),  partikular ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), sa pagpapatuloy ng panukalang importasyon ng asukal sa idinaos na Sugarcane Stakeholders Summit ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kahapon.

Sa isang kilos-protesta, mariing binatikos ni UMA chairperson Guillermo Hernandez ang libera­lisasyon sa pinaniniwalaang ito ang papatay sa industriya ng asukal sa bansa.

Ipinahayag ng grupo na naghihingalo na ang industriya ng asukal kung kaya dapat nang manindigan ang mga stakeholder na kontrahin ang liberalization kung saan nabatid na patuloy nilang sinusuportahan ang ilang patakaran katulad ng isinusulong ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno kaugnay sa walang habas na pagpasok ng imported na asukal sa lokal na merkado.

Aniya, gagawin ito sa pamamagitan ng pag-alis ng quota sa pag-angkat, pagtanggal ng mga kabayaran para makapag-­angkat o Certificate of Reclassification Rights na P200 kada 50 kilograms ng asukal, pagpapahinto sa pagkontrol ng SRA sa pagpasok ng mga imported na asukal, at  pagbibigay-daan sa direktang importasyon ng mga korporasyong magnanais mag-angkat nito.

Sinabi pa ni Hernandez na ang nais ng pamahalaan ay magtanim ng ibang export crop ang mga magsasaka tulad ng oil palm, saging na cavendish at pinya upang muling i-export sa halip na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan nito para sa bigas.

Napag-alamang sakaling maipatupad ang mas matinding liberalisasyon sa sugar industry, inaasahang mawawalan ng trabaho ang halos 7,000 manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular sa Negros habang tinatayang 75,000 maliliit na magtatanim din ang apektado.

Samantala, hiniling din ng UMA sa administrayong ­Duterte na tugunan ang usapin ng ­manggagawa sa asukal at kilalanin ng mga big planter at haciendero ang karapatan ng mga manggagawa kung nais nilang patibayin ang naturang industriya.

Iginiit pa ng grupo na dapat ding itaas ang sahod ng mga manggagawa na lumalabas na P80 hanggang P120 lamang kada araw at mas mababa pa dahil sa niligalisang sistemang pakyawan, at direktang ipamahagi ang Social Amelioration Fund sa mga ­manggagawa.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.