DUMATING na sa bansa ang first batch ng mga sibuyas na inangkat kamakailan ng pamahalaan, ayon sa Bureau of Plant Industry.
Sa record ng BPI, ang first batch ay kinabibilangan ng 400 metric tons ng yellow onions at 800 metric tons ng red onions.
Ang first arrival ay bahagi ng 5,775 metric tons ng sibuyas na may sanitary phytosanitary import clearance (SPSIC).
Sa pagtaas ng suplay, maraml ang umaasa na bababa na ang presyo ng sibuyas.
Subalit dahil ang imported onions ay wala pa sa merkado dahil isinasailalim pa ang mga ito sa inspeksiyon sa second border, ang presyo ng sibuyas ay nananatili pa ring mataas hanggang nitong Lunes.
Sa ilang palengke sa Maynila, ang “lasona” onions ay mabibili sa halagang P200 kada kilo, habang ang fresh onions ay P300 kada kilo.
Magugunitang inaprubahan ng DA ang pag-angkat ng 21,060 metric tons ng sibuyas upang mapunan ang kakulangan sa suplay at mapababa ang presyo nito.
Sa isang liham sa BPI-licensed onion importers na may petsang January 6, sinabi ng DA na mag-iisyu ito ng SPSIC para sa importasyon ng fresh yellow at fresh red onion mula January 9 hanggang January 13, 2023.
Ang mga lisensiyadong importer ay binigyan ng hanggang January 27, 2023 para sa pagdating ng kanilang shipments sa bansa.
Idinepensa ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pag-angkat ng sibuyas at sinabing “our government had no choice but to import,” sa gitna ng agwat sa pagitan ng produksiyon at ng demand para sa sibuyas sa Pilipinas.
“Given the production and demand we have in the Philippines, it’s impossible to avoid imports. We’ve tried to get products from smuggling, but the need was still not met. We had no choice but to import, so that’s what we’re doing,” sabi ni Marcos, na siya ring Agriculture secretary.