DADAAN sa tamang proseso at bidding ang magiging paraan para sa pagbili ng 110k tablets at 11k laptops na ipamimigay nang libre sa lahat ng guro at mag-aaral mula kinder hanggang Grade 12 sa pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila.
Ito ang ipinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kaugnay na rin sa kung paanong paraan gagawin ng pamahalaang lungsod ang pagkakaroon ng nasabing bilang ng gadgets na ipamumudmod sa higit 200,000 mag-aaral at mahigit 10,000 mga guro sa pagsisimula ng panibagong school year na 2020-2021.
Walang kakayahan na magkaroon ng kani-kaniyang tablets ang may 275,000 na inaasahang mag-eenroll na mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod mula elementarya, sekondarya at senior high, kaya naman naisip ng alkalde na ayudahan sila ng sarili nilang tablets para sa bagong sistema ng pag-aaral na online system o stay at home study kapalit ng nakasanayang face to face class.
Maging ang mga guro ay kabilang sa pagkakalooban ng libreng laptops para makatulong sa kanilang gagawing online class sa pagsisimula ng pasukan.
Ang lahat ng mga tablets at laptops, ay mayroon ng sim cards at kargado na rin ito ng data na hanggang 10GB para magamit sa kanilang leksyon. Mayroon ding free extra data load para naman sa YouTube.
Kaugnay pa nito ay sinabi ng alkalde na kailangan na i-schedule ang pagkakaroon ng online class na maaring isagawa ng dalawang beses sa isang linggo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.