PAGTUMAL NG LOCAL TOBACCO INDUSTRY IKINABAHALA

SIGARILYO

NABABAHALA ang Malayang Konsyumer (MK) hinggil sa hindi umano paglago ng produksiyon ng lokal na tabako kung kaya umaapela ito sa mga mambabatas na sa pag-amyenda sa Republic Act. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 ay tunay na bigyang prayoridad o isaalang-alang ang kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka at mamimili.

Kasabay nito, sinabi nina MK convenor Christian Real at spokesperson Atty. Simoun Salinas na may pag-aaral kung saan sinasabi na sa susunod na apat na taon ay inaasahang makapagtatala ng ‘negative growth’ sa bentahan ng locally-produced tobacco products.

“Halos hindi lumalago ang lokal na produksiyon ng tabako sa ating bansa. Sa aspeto naman ng merkado, inaasahan din na magkakaroon ng negatibong paglago ang tabako sa susunod na apat na taon. Ang bulto ng konsumo ay nakaasa sa inangkat na sigarilyong gawa na ng mga dayuhang kompanya,” pahayag pa ng grupo.

Hinimok ng grupo ang Senado na isantabi ang Senate Bill (SB) 1812 kung saan nais ni Senator Lito Lapid na maisama ang tabako at sigarilyo sa agri products na mahigpit na babantayan sa pagpapatupad ng anti-smuggling law.

Ayon kay Salinas, ang pagkakasabat ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa nasa P155 milyong halaga ng kontrabandong produktong pang-agrikultura ay patunay lamang na dapat maging mas mahigpit ang pamahalaan kontra smugglers, hoarders at profiteers ng mga food product.

Dagdag pa niya, sa mga nakaraang raid, libo-libong tonelada ng mga produktong pansakahan ang nasabat mula sa 24 na bodega, kasama na ang 40 hanggang 50 toneladang imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga ng P40 million, at halos 250 tonelada ng imported na sibuyas at bawang, na aabot sa halagang P95 milyon.

Nagtataka ang MK kung bakit ipinipilit ng senador ang isyu ng tabako at sigarilyo sa kampanya para tugusin at papanagutin sa batas ang mga agri-smuggler.

“Kuwestiyonable ang timing ng panukalang batas ni Senador Lapid. Habang ang mga smuggler at kartel ay nagpupuslit at nagtatago ng tone-toneladang produktong agrikultura, tila mas nakatuon ang mabuting senador sa pagtulong sa mga dayuhang kompanya ng tabako na nagsusulong ng proteksiyon ng sigarilyo simula noong third quarter pa ng 2022,” ani Salinas.

“Ang mga amyendang ipinapanukala ng SB 1812 ay walang direktang pakinabang sa mga lokal na magsasaka ng tabako. Ang totoong pinoprotektahan ng panukalang batas na ito ay ang mga imported na sigarilyo, hindi ang lokal na tabako. Mas maraming problema ang mga konsyumer… pagkain, hindi sigarilyo,” sabi naman ni Real.

ROMER R. BUTUYAN