(Panawagan ng transport groups) ORIHINAL NA JEEPNEY ROUTES IBALIK

JEEPNEY-5

HINILING ng tatlong transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na alisin na ang special permits at ibalik ang orihinal na ruta para sa public utility jeepneys (PUJs).

Ang petisyon ay inihain nina Pasang Masda national president Obet Martin, Libay De Luna ng Alliance of Concerned Transportation Organization, at Boy Vargas ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines.

Ayon sa mga grupo, mas magiging ligtas ang mga pasahero kung magkakaroon ng mas maraming jeepney sa kalsada dahil maiiwasan ang siksikan sa public utility vehicles (PUVs) sa gitna ng pandemya.

Anila, mas makatitipid ang mga pasahero kung ibabalik ang mga orihinal na ruta dahil hindi na nila kakailanganin ang karagdagang trips para makarating sa kanilang pupuntahan.

Magugunitang dahil sa COVID-19 pandemic, noong 2020 ay nagpasiya ang LTFRB na mag-isyu ng special permits para payagan ang limitadong bilang ng public utility vehicles (PUVs) na mag-operate.

Sa kanilang petisyon ay binanggit din ng mga transport group ang epekto ng oil price hikes sa kabuhayan ng mga operator at driver.